FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija – Binalaan ng Philippine Army (PA) ang mga magulang na bantayan ang kani-kanilang anak laban sa malawakang pagre-recruit ng New People’s Army (NPA) sa Central Luzon.
Sinabi ni 7th Infantry Division-Public Affairs chief, Maj. Amado Gutierrez ng PA, ginagamit din umano ng makakaliwang grupo ang mga miyembro ng tribung Aeta sa nasabing lugar.
Pinagbatayan ni Gutierrez ang mga reklamo ng mga magulang na natanggap ng National Commission on Indigenous People (NCIP)-Zambales.
“Be wary of your children’s activities, what organizations they are joining. The recruitment of New People’s Army (NPA) members begins in colleges and universities. They start as activists for the common good. Then they will be radicalized, and finally, become NPA terrorists ,” aniya.
Binanggit nito na nakita ng isang inang kaanib ng nasabing tribu ang mga batang may edad mula 10 hanggang 14, sa loob ng isang bahay na pinapanumpa ng mga rebelde ng kanilang katapatan sa Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA.
Kaugnay nito, nangako rin ang naturang military unit na susuportahan nila si NCIP-Zambales legal officer Atty. Roman Antonio sa pagsasampa ng kaso laban sa CPP-NPA dahil sa patuloy na pangangalap ng mga bata upang maging kaaway ng pamahalaan at sa paggamit sa nasabing tribu.
Paliwanag pa ng 7th ID, nakumpirma nila ang ulat kaugnay ng nagre-recruit ng NPA nang maaresto ang limang rebeldeng Aeta, kabilang ang isang menor de edad sa Zambales nitong Agosto 21.
-LIEZLE BASA IÑIGO