Sa panahon ng pag-usbong ng teknolohiya at internet, maraming bagay sa kasalukuyan ang masasabing madali nang gawin—pagbabahagi ng mensahe, pagtawag sa isang tao, o maging ang pagpapadala ng impormasyon gaano man kalayo ang pagbibigyan.
Pero paano ba ito nagagamit upang bumuo ng mas makukulay, mas masasaya, at hindi malilimutang mga kuwento?
Viral ngayon sa social media ang madamdaming usapan ng mag-lolang sina Clarise Moreno, 29-anyos, na sa kasalukuyan ay nasa Estados Unidos, at ng kaniyang lola na si Fancracia Tating, 94 taong gulang mula sa Dasmariñas, Cavite.
Sa video kasi na ini-upload ni Clarise sa kaniyang Facebook account, maririnig na sinasabi ng kaniyang Lola Fancracia na masaya itong marinig muli ang kaniyang boses.
“Good morning, kumain na, katatapos pa lang. Salamat, narinig ko ‘yong boses mo,” saad ng kaniyang lola.
“Sabi ko, ang hirap nga ng bingi—ay ‘pag ka bingi mahirap. Ikaw na siguro nagsisigaw na, kawawa mo naman. Salamat, narinig ko ‘yong boses mo. Maski papaano e, maski boses naririnig ko na,” anito.
“Salamat sa Diyos, salamat, nakakausap na maski papaano. I love you,” dagdag pa nito.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Clarise, ibinahagi niyang mula noong pumunta siya sa Amerika at nagtrabaho doon bilang singer ay hindi niya na nakakausap ang kaniyang lola sapagkat abala ang mga kasama nito sa bahay sa kani-kanilang mga trabaho.
“Simula po noong umalis ako ng Pinas para mag-Amerika, hindi na po kami nakapag-usap ulit ng lola ko. Busy po mga tao sa bahay namin sa trabaho kaya ‘di po kami nakakapag-usap,” saad ni Clarise.
Dahil dito, naisip niyang magpakabit ng isang CCTV upang makita ang lola niya araw-araw—na siyang nagamit din nila upang sila ay makapag-usap muli matapos ang tatlong taon.
“Kaya po nag-isip po ako ng paraan paano ko po siya makikita araw-araw; naisip ko pong magpakabit ng CCTV. Unang beses po namin ‘yong nakakapag-usap ulit after 3 years, kaya po ganoon na lang po ‘yong reaction ng lola ko na salamat sa Diyos at narinig niya na ulit ‘yong boses ko kahit boses pa lang sa ngayon masaya na kami,” aniya.
“Mangiyak-ngiyak pa kami that time sa sobrang pagka-miss. Ngayon po, sa CCTV po kami lagi nag-uusap, nakaka-help din po talaga sa akin para hindi ma-homesick, sobrang laking tulong sa amin ng CCTV kahit papano nakikita ko na si mommy 24/7, at nakakausap ko siya everytime makita ko siya na gising sa CCTV nag-uusap kami,” pagkukuwento pa niya.
Pagbunyag pa ni Clarise, ang kaniyang lola daw ang nagpalaki sa kaniya, na dinadalangin niyang magkaroon pa ng masaya, mahabang buhay, at malakas na katawan.
“Panalangin ko palagi na bigyan pa ni Lord ang lola ko ng mahaba pang buhay at maging malakas at masaya siya araw-araw,” hiling ni Clarise.
“Mahal na mahal ko po ang lola ko po talaga, siya na po ‘yong naging nanay ko na nakalakihan—na sana hayaan pa ako ni Lord na matupad lahat ng pangarap ko para sa kaniya at sa pamilya na makita ‘yon ni lola ko—na mabigay ko ang masaganang buhay para sa kaniya at ma-experience niya mga masasayang bagay na dati ay ‘di namin nararanasan,” dagdag pa niya.
Naantig naman ang netizens matapos ibahagi ni Clarise ang kuwento nila ng kaniyang lola.
“Please treasure this moment. I am an OFW and my lola used to call me every day kahit may time difference tawag lang siya ng tawag. Now I find myself missing those calls more than I can explain”
“This made me cry…their warm voices bring us comfort and reminding us that love can be felt in the simplest words hayyyy”
“I hope I can talk my Lola up there!!!”
“Who is cutting onions”
“I hope my Lola have her CCTV up there”
“Why am I crying”
“Ang sakit ng mata ko ung kakagising mo lang tapus na Iiyak ka hahaha”
“I cried watching this, and we never had a Lola as sweet like this. It's interesting how it feels painful for something we didn't had.”
Habang isinusulat ang artikulong ito, nakalikom na ang naturang viral video ng higit 11M views, 698k reactions, 5.6k comments, at 30k shares.