July 19, 2026

Home BALITA Probinsya

Eskwelahan sa Leyte, nakatanggap ng 2 banta sa seguridad

Eskwelahan sa Leyte, nakatanggap ng 2 banta sa seguridad
Photo courtesy: Pexels

Pinaigting ng administrasyon ng Palo National High School (PNHS) sa Palo, Leyte ang pagbabantay sa seguridad ng paaralan matapos makatanggap ng dalawang ulat ng umano'y banta na ipinadala sa pamamagitan ng social media.

Sa inilabas na abiso ng paaralan noong Sabado, Hunyo 27, sinabi ng administrasyon na agad nilang iniulat ang insidente sa mga kinauukulang awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng mga Facebook at Messenger account na sangkot sa naturang mga mensahe.

Ayon sa paaralan, wala namang nakikitang agarang banta o panganib sa kasalukuyan, ngunit nananatili silang nakaalerto upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani.

"At present, there is no immediate threat or harm resulting from these messages,” anang eskwelahan sa kanilang FB page.

Kasunod nito, nagpaalala rin ang school admin sa publiko na may pananagutan ang sinumang gumagamit ng social media sa pagpapakalat ng mga banta.

Probinsya

Bala ng baril at umano'y liham para sa mga bully, natagpuan sa building ng eskwelahan sa Bacolod!

"WARNING: To social media users: Any threat can be traced by law enforcement agencies, including the PNP Anti-Cybercrime Division,” saad pa nila.

Idinagdag pa ng paaralan na kahit hindi pagmamay-ari ng isang tao ang internet network na ginagamit nito, maaari pa rin umanong matukoy ng mga awtoridad at social media companies ang pagkakakilanlan ng isang user sa pamamagitan ng recovery emails, mga nakarehistrong numero ng telepono, at two-factor authentication logs.

Nanawagan din ang school admin sa mga magulang at guardian na mas tutukan ang online activities ng kanilang mga anak, kabilang ang kanilang mga pinapanood, kinakausap, ipinapadalang mensahe, at mga inilalathala sa social media, lalo na sa gitna ng mga kamakailang insidente na may kaugnayan sa seguridad sa mga paaralan.

"The home is the first line of protection and discipline,” anila.

Hinimok din ng paaralan ang buong komunidad na maging responsable sa paggamit ng social media at makipagtulungan upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat sa loob ng paaralan.

Ang anunsyo ay inilabas ilang araw matapos ang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, na nagbunsod sa iba't ibang paaralan sa bansa na higpitan ang kanilang mga hakbang sa seguridad at pagbabantay laban sa mga banta.