Malubhang nasugatan ang isang lalaki matapos siyang pagtatagain ng isang suspek na umano'y nagalit sa komento niya sa social media kaugnay ng isyu ng umano'y pagnanakaw ng manok sa Talisayan, Misamis Oriental.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagtatrabaho bilang karpintero ang biktima nang lapitan at komprontahin siya ng suspek. Makalipas ang ilang sandali, umalis ang suspek ngunit bumalik na armado ng bolo at karit bago inatake ang biktima.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at batok ang biktima at agad itong isinugod sa ospital. Ayon sa mga awtoridad, nananatiling stable ang kondisyon nito.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na nag-ugat ang insidente sa isang komento ng biktima sa social media kaugnay ng post ng suspek tungkol sa umano'y ninakaw na manok.
Ayon kay Police Regional Office-10 (PRO-10) spokesperson Police Major Joann Navarro, ang naturang komento ang sinasabing naging dahilan ng galit ng suspek.
Matapos ang pananaga, agad naaresto ng mga pulis ang suspek at nabawi rin ang mga patalim na umano'y ginamit sa krimen.
Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide.
Nagpaalala naman si Navarro sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media.
"Huwag basta magbibintang at maglalabas ng pahayag sa social media nang walang basehan at makasisira sa pagkatao ng iba,” ani Navarro sa media.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid ang iba pang detalye ng insidente.