July 19, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Ano ang 'earthquake swarm' at bakit 'di ito dapat balewalain?

ALAMIN: Ano ang 'earthquake swarm' at bakit 'di ito dapat balewalain?
Photo courtesy: PHIVOLCS/FB


Nito lamang Biyernes, Hunyo 26, kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mayroong “earthquake swarm activity” na naganap sa karagatang bahagi ng Bolinao, Pangasinan.

Ayon sa PHIVOLCS, nakapagtala sila ng 287 na lindol mula Mayo 27, 11:15 ng umaga hanggang Hunyo 26, 7:00 ng umaga sa nasabing lugar, na mayroong lakas na umaabot sa pagitan ng magnitude 1.8 hanggang 5.1—at lalim na dalawa hanggang 47 kilometro.

Dahil dito, ano nga ba ang earthquake swarm?

Batay sa pakahulugan na ibinigay ng PHIVOLCS, ang earthquake swarm ay serye ng mga lindol na nangyayari sa isang partikular na lugar sa loob lamang ng maiksing panahon.

Giit ng ahensya, ang earthquake swarm ay walang malinaw na pangunahing lindol—na siyang sinusundan ng ilang mga aftershock o mga kasunod na pagyanig.

Kung pag-uusapan ang tagal ng pagtama ng isang earthquake swarm, ibinunyag ng PHIVOLCS na maaari itong maganap sa loob ng ilang araw, linggo, o mas matagal pa—depende sa magaganap na aktibidad.

Trending

ALAMIN: Rerouting at road closures kasunod ng kilos-protesta sa Maynila sa Hulyo 19



Bakit hindi ito dapat balewalain?

Paliwanag ng ahensya, wala kasing malinaw na basehan kung ang isang earthquake swarm ay maaaring mauwi sa mas malakas na lindol—may posibilidad kasi na mangyari nga ito, ngunit may posibilidad ding hindi.

Kung kaya’t paalala nila, panatilihing maging alerto lalo kung napapaulat sa lugar ang mga nasabing aktibidad.

Para naman sa mga nakatira sa baybayin, nagpaalala rin ang PHIVOLCS hinggil sa mga senyales ng lokal na tsunami sa lugar: malakas at matagalan na pagyanig; biglaang pag-atras o mabilis na pagtaas ng tubig-dagat; at malakas na ugong mula sa dagat.

“Kapag napansin ang alinman sa mga ito, lumikas agad patungo sa mataas na lugar. Huwag nang hintayin ang opisyal na babala. Sundin ang mga tagubilin ng inyong LGU at ang mga opisyal na abiso ng DOST-PHIVOLCS,” anila.

“Patuloy na mino-monitor ng DOST-PHIVOLCS ang aktibidad sa lugar at maglalabas ng kaukulang update kung kinakailangan,” pagtatapos nila.