Nagpahayag ng suporta ang ilang mga Obispo ng Simbahang Katolika sa panukalang pagsasara ng mga sementeryo sa nalalapit na Undas o All Saints Day at All Souls Day.

Nilinaw ni Ozamiz Archdiocese Martin Jumoad, tatalima ang arkidiyosesis sa rekomendasyon ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na ipagbawal ang pagdalaw sa mga sementeryo sa Nobyembre 1 at 2, bilang bahagi ng pag-iingat laban sa posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Let’s follow the suggestion of Inter Agency Tasks Force; we are in this pandemic and this is temporary,” pahayag ni Jumoad, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Aniya na sa pagpupulong ng mga pari ng arkidiyosesis nitong Setyembre 9 ay napagkasunduan na ipagpatuloy ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa paggunita ng araw ng mga santo sa Nobyembre 1 at paggunita ng mga yumaong mahal sa buhay sa Nobyembre 2. Kaugnay nito, hinimok naman ni Jumoad ang mga mamamayan na dumalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay sa ibang mga araw bilang pag-iingat at pangangalaga sa kalusugan.

National

'Unahan ko na kayo!' Jam Magno, kusang sumuko sa CIDG sa Butuan City

“My advice which is the position of the Archdiocese is to continue to say Mass on November 1 and 2 for the souls in purgatory but not administer the usual Responso sa puntod for health reasons,” pahayag pa nito.

Para naman kay San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, chairman ng Episcopal Commission on the Clergy ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nararapat na sundin ang panuntunan ng pamahalaan laban sa COVID-19 para sa kagalingan ng mga mamamayan.

“Kung ano ang ipag-uutos ng gobyerno susundin yon para na rin sa pansariling kagalingan at kagalingan ng nakararami,” paliwanag ni Famadico.

-Mary Ann Santiago