Hindi pa matiyak ng Department of Health (DOH) kung tuluyan na ngang napatag ang kurbada ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa, sa kabila nang patuloy na pagbaba ng naitatalang mga kaso ng sakit.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kinakailangan pa nilang magsagawa ng pag-aaral hinggil dito.
Sa ngayon aniya ay tuluy-tuloy lang ang pagsasagawa nila ng mga istratehiya upang patuloy na bumaba ang mga naitatala nilang kaso ng sakit at hindi ma-overwhelm ang healthcare system ng bansa.
“Titingnan ho natin, basta itutuloy natin ang strategies na ginagawa natin ngayon but we cannot really confirm yet na ito na po talaga ang sinasabing flattening of the curve,” ani Vergeire, sa panayam ng teleradyo.
Nauna rito, pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang medical community matapos na magtagumpay sa pagka-flatten ng pandemic curve, gayundin ang publiko dahil sa pagsunod sa health and safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Nitong Linggo, sinabi ni Dr. Guido David ng UP OCTA Research Team na nagsisimula na ang flattening of the curve ng COVID-19 sa Metro Manila at Calabarzon, dahil sa pagbaba ng virus reproduction rate nito na ngayon ay nasa 0.95 na lamang.
Sinabi ni Vergeire na, “kailangan pa ho natin ng mas maraming pag-aaral. Kailangan po natin tingnan ang lahat ng factors. Though our numbers are going down these past days, kailangan din natin tingnan ano naman ang estado ng ating health system.”
Kasabay nito, iniulat naman ng opisyal na gumanda na ang lagay ng health care capacity ng Metro Manila, na mula sa dating critical level na 81% ay tinatayang nasa 66% na ito sa ngayon.
Ang mga pasyente na nakarekober mula sa karamdaman ay halos 73% na habang 97% ng mga aktibong kaso ng sakit ay itinuturing na mild at asymptomatic o hindi kakikitaan ng sintomas ng sakit.
Muling nagpaalala si Vergeire sa publiko na kahit na bumababa na ang mga naitatala nilang kaso ng sakit ay hindi pa rin dapat na maging kampante ang lahat.
Sa halip, dapat aniyang ipagpatuloy na maging maingat upang hindi dapuan ng karamdaman at tuluyan nang masugpo ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Nitong Lunes, Setyembre 8, umabot sa 1,383 kaso ang nairekord, sanhi upang umakyat sa 238,727 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
-Mary Ann Santiago