Nasa maling lugar umano ang pamahalaan nang unahin nito ang “white sand” beach project sa Manila Bay sa kabila ng nararanasan ng bansa na pandemiyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang reaksyon ni Vice-President Leni Robredo nang sumalang ito sa kanyang lingguhang programa sa radyo kahapon.
Kinuwestiyon din nito ang administrasyon na gumagastos ng P349 milyon para lamang sa proyekto sa kabila ng ilang ulit na pag-amin ng gobyerno na wala na itong pondo para malabanan ang COVID-19.
“Napaka-insensitive na gagawin mo ‘yan sa height ng pandemic na ang daming nagugutom, ang daming naghihirap. Sa panahon ngayon na ang sagot sa atin wala tayong pera, nakakainsulto kapag nakikita ng tao ‘yung ganitong programa,” pahayag ni Robredo.
Kamakailan, iminungkahi nito sa pamahalaan na ayudahan nito ng tig-P5,000 ang mahihirap na pamilya upang mabuhay ang mga ito sa gitna ng krisis.
Gayunman, wala aniyang plano ang gobyerno na gawin ito dahil wala na itong sapat na pondo.
Mas makabubuti aniya kung gagastusin na lamang sa 80,000 mahihirap na pamilya ang milyun-milyong salaping inilaan sa proyekto.
Matatandaang sinimulan nang takpan ng dolomite boulders na kinuha pa sa Cebu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 500 metrong bahagi ng Baywalk sa Roxas Boulverad sa Maynila upang magmukha itong white sand beach.
Nauna nang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na makatutulong ang “white sand” beach sa mental health ng publiko sa gitna ng mga batikos sa proyekto.
Gayunman, kinontra ito ng bise president.
“’Yung makatulong sa mental health ng tao, tapusin na ang pandemya. Gawin natin ‘yung lahat para bumalik na tayo sa normal,” pagdidiin ni Robredo.
Pinayuhan din nito ang gobyerno na pag-aralan muli ang 2020 budget nito sa paglaban sa COVID-19 upang matugunan ang pangangailangan ng taumbayan na apektado sa krisis.
Kaugnay nito, inihayag naman ng isang lumabag umano sa batas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng nasabing proyekto.
Ito ang pagbubunyag ni Gloria Estenzo Ramos, vice-president ng Oceana Philippines, ang grupong nagpoprotekta at nangangalaga sa karagatan ng bansa.
“Under the Fisheries Code, Local Government Code, and the Environmental Impact Assessment System Act, government agencies are required to undergo Environmental Impact Study and Environmental Compliance Certificate for this kind of project,” pabibigay-diin ni Ramos.
Aniya, kinakailangan sanang matupad ang nasabing mga batas sa pamamagitan ng “full blown participatory process”.
“Ironically, it is the DENR that does not seem to follow the requirements set by law,” paliwanag ni Ramos.
Nagpahayag din ng pagkaalarma ang grupo dahil sa paggamit ng dolomite boulders sa nasabing dalampasigan.
Paliwanag ni Ramos na sa pagtakip sa bahagi ng dalampasigan, hindi lamang sinisira ng gobyerno ang natural ecosystem sa Manila Bay kundi pati na rin ang pinagkunan ng nasabing ‘white sand’ dahil sa paghina ng katatagan nito.
Nitong 2018, sinimulan ang Manila Bay rehabilitation project na pinondohan ng P389 milyon.
“This will be a total waste of people’s money. Panahon na ng mga bagyo at malakas ang hampas ng alon sa Manila Bay kapag may bagyo. The sand will be simply washed away by the waves and will mix with the black sand which is the natural element of this part of Manila Bay,” aniya.
Umapela rin si Ramos sa DENR-Biodiversity Management Bureau na gumawa ng hakbang kaugnay ng proyekto.
-ELLALYN V. RUIZ at RAYMUND F. ANTONIO