Nakatakdang simulan ng Department of Health (DOH) ngayong Setyembre ang clinical trials para sa anti-flu drug na Avigan bilang gamot sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Hindi natuloy ang sana’y clinical trials sa Avigan nitong Setyembre 1.
Sinabi ni DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na target nilang masimulan ito ngayong buwan at hinihintay na lamang ang mga nakabinbin pang dokumento para dito.
“We target to start ngayong September, we are just now naghihintay ng mga pending documents for processing,” ani Vergeire.
Kabilang sa mga dokumentong hinihintay na maisapinal ay ang clinical trial agreements at insurance policy para sa mga taong lalahok dito at database sa clinical trial para sa monitoring purposes.
Inaasahan nilang sa Lunes ay handa na ang mga naturang database at iba pang dokumento upang masimulan na nila ang clinical trial sa Avigan, na tatagal ng siyam na buwan.
Noong Agosto ay nagkaloob ang Japan ng 199,000 Avigan tablets sa Pilipinas para magamit sa clinical trials sa 100 pasyente ng COVID-19.
Samantala, sinabi ni Vergeire na gumugulong na rin ang clinical trials sa paggamit ng virgin coconut oil (VCO) para sa COVID-19 treatment sa Sta. Rosa Community Hospital at Philippine General Hospital.
Inaasahang sasali rin dito ang Medical City Sta. Rosa sa mga susunod na araw.
-MARY ANN SANTIAGO