Isang 17-anyos na Grade 10 student ang nagtamo ng mga sugat matapos umanong pagbubugbugin ng dalawa niyang kapwa mag-aaral sa loob ng isang paaralan sa Bacolod City.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagtamo ang biktima ng bukol sa ulo at sugat sa braso bunsod ng insidente. Agad siyang nabigyan ng kinakailangang atensiyong medikal.
Lumitaw sa imbestigasyon na nagsimula umano ang alitan matapos ireklamo ang biktima dahil sa umano'y pang-aasar o pangangantiyaw sa ilang babaeng kaklase. Nauwi umano ang tensyon sa pisikal na pananakit.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang dalawang estudyanteng itinuturong sangkot sa insidente.
Samantala, nagsimula na ring magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) upang matukoy ang buong pangyayari at kung may paglabag sa umiiral na mga patakaran ng paaralan.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng insidente habang hinihintay ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon.