Humihirit ngayon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na mabigyan ng regulatory power sa online streaming services, tulad ng Netflix.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, iginiit ito ni MTRCB legal affairs chief Jonathan Presquito para na rin sa isinusulong na Internet Transactions Act.
Idinahilan ni Presquito, nais ng MTRCB na masuri ang nilalaman ng mga palabas na napapanood sa pamamagitan ng online streaming.
Giit ni Presquito, may hurisdiksyon ang MTRCB sa lahat ng mga pelikula o programa sa anumang paraan ito napapanood ayon na rin sa batas.
“Even distributed electronically, that is within the jurisdiction of the MTRCB,” banggit nito.
Sinabi ni Presquito na may mga naunang pag-uusap na ang iba pang kinauukulang ahensiya hinggil sa regulasyon sa Netflix, Amazon Prime, Iflix at iba pang streaming apps.
Iminungkahi din ng MTRCB na dapat ay magparehistro ang mga ito sa MTRCB at magbayad ng mga kinauukulang buwis.
-Beth Camia