Isang indignation rally ang idinaos ng mga miyembro ng LGBTQIA+ o (Lesbian, Gay, Bisexual, Pansexual, Transgender, Genderqueer, Queer, Intersexed, Agender, Asexual, and Ally) community sa harapan ng gusali ng Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura Street, sa Ermita, Maynila kahapon, bilang pagkondena sa desisyon ng isang hukuman sa Olongapo City na palayain na ang Amerikanong sundalo na si United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Si Pemberton ay matatandaang nakulong matapos na mahatulan sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa transgender Pinay na si Jennifer Laude noong 2014.

Ang naturang rally ay pinangunahan ng grupong Bahaghari at kanilang mga kaalyadong organisasyon, katulad ng Gabriela Youth, na may mga dala pang placard kung saan nakasaad ang “Justice for Jennifer Laude”, “Junk EDCA” at iba pa.

Nagtali rin sila ng mga pulang laso o red ribbons sa gate ng DOJ na simbolo umano ng “injustice” o kawalang hustisya para kay Laude at sa sambayanang Pilipino.

Probinsya

Binatilyong nanonood ng liga, patay matapos makuryente sa poste ng basketball ring

Nauna rito, sa utos ni Olongapo Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde, kinatigan nito ang partial motion for reconsideration na inihain ni Pemberton.

Sinasabing napagsilbihan na raw ni Pemberton ang hatol sa kanya ng korte hanggang sa 10 taong pagkakabilanggo dahil naisama na sa computation ang kanyang preventine imprisonment, aktuwal na service of sentence at ang nakuha niyang Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Nakapagbayad na rin umano si Pemberton ng danyos na P4.6 milyon sa pamilya ni Laude, na kabilang sa utos ng korte.

-Mary Ann Santiago