Operational at aktibo ang lahat ng hotline number para sa Social Amelioration Program (SAP).
Ito ang tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko kasunod ng insidente sa Congressional hearing nitong Agosto 26 kung saan ang numerong 0918-912-2813, isa sa hotline numbers ng kagawaran, ay tinawagan at lumabas na ‘unattended’.
Paliwanag ng DSWD, aktibo ang nasabing numero gayunman, limitado lamang para sa text messages dahil bahagi ito ng Wireless Service (WiServ) ng ahensya, isang application para sa Short Messaging Service (SMS) Gateway.
Ang nasabing numero, ayon sa DSWD ay nagsisilbing reception ng ahensya sa related concerns sa pamamagitan ng text keywords at ipapasa sa helpdesk moderators para sa mas mabilis na pagtugon at koordinasyon.
Iminungkahi pa rin ng DSWD na maaaring ma-contact ng publiko 24 oras ang kanilang hotline numbers na 0918-912-2813 para sa text messages; at para sa tawag ay 0947-482-2864; 0916-247-1194 at 0932-933-3251.
-Beth Camia