Binalaan kahapon ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa hindi awtorisadong pagbubunyag ng pangalan ng mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil maaari umano silang makulong at pagmultahin pa ng mula P500,000 hanggang P2 milyon.
Ang babala ay ginawa ng DOH kasunod ng natanggap na ulat na may listahan ng mga COVID-19-positive patient na kumakalat sa social media.
Sinabi ng DOH, dumaraan na sa matinding pagsubok ang mga kababayan natin na dinapuan ng COVID-19 kaya’t hindi na dapat pang dagdagan ang dalahin ng mga ito.
Muli rin namang iginiit ng DOH na ang COVID-19 ay hindi isang parusang kamatayan dahil malaki ang tiyansa ng mga dinadapuan nito na kaagad na gumaling mula sa karamdaman.
Dagdag pa ng DOH, mas mapanganib pa ang takot kumpara sa COVID-19.
“We call on the public to refrain from these lists around social media. This is illegal and perpetuates the stigma around COVID-19,” anang DOH, sa isang pahayag.
“Our kababayans are already going through enough as it is. Let us not exacerbate their situations... COVID-19 is not a death sentence and fear is more dangerous than the disease,” dagdag pa ng DOH.
Kaugnay nito, pinaalalahanan rin ng DOH ang public health authorities na tiyaking mananatiling pribado ang personal na impormasyon ng mga pasyente, na nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11332, o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Nakasaad rin umano sa joint memorandum na inisyu ng DOH at ng National Privacy Commission na tanging ang mga concerned health-care providers, public health authorities, at kanilang mga authorized personnel ang pinapayagang mag-access sa personal na detalye ng mga COVID-19 cases.
Babala pa ng aehnsya, ang hindi awtorisadong access at illegal na pagbubunyag ng personal na impormasyon ng isang pasyente ng COVID-19 ay may katapat na kaparusahan sa ilalim ng Republic Act 10173, o ang Data Privacy Act of 2012.
-Mary Ann Santiago