Sisimulan nang talakayin at himayin ng Kamara sa susunod na linggo ang panukalang P4.5 trilyong national budget para sa 2021.
Idinahilan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, chairman ng House committee on appropriations, nagtakda sila ng pitong araw ng pagdinig umpisa sa Setyembre 7 para suriin ang record-high budget na magkakaloob ng sapat na pondo para gamitin sa paglaban sa Covid-19 pandemic.
“We will conduct daily hearings and we are targeting to finish them on Sept. 15 to allow ample time for plenary deliberations and meet the House leadership’s target of passing the budget by end of September,” ayon sa kongresista.
Bago isagawa ang mga pagdinig, makikipagpulong muna ang liderato ng Kamara sa Development Budget Coordinating Committee (DBCC) ng executive branch, na binubuo nina Budget Secretary Wendel Avisado, Finance Secretary Carlos Dominguez III, National Economic and Development Authority chief Karl Chua at Bangko Sentral Gov. Benjamin Diokno, sa Setyembre 4.
Aniya, target ng Kamara na ipasa ang budget bill sa pagtatapos ng Setyembre upang bigyan ng sapat na panahon ang Senado na talakayin ito at maipasa sa Oktubre.
Inaasahang lalagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Nobyembre.
-Bert de Guzman