Nananawagan ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mamamayan na manalig sa Panginoon at umasang malalagpasan ang pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nararanasan ngayon sa bansa.

Ang panawagan ay ginawa ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, chairman ng Commission on Youth ng CBCP, sa krisis na dulot ng COVID-19, na nagresulta na rin ng pagtaas ng kaso mental health at mga insidente ng pagpapatiwakal sa bansa.

Ayon sa Obispo, dahil sa mga limitasyon dulot ng pandemya ay nararanasan ng mamamayan ang panlulumo, kalungkutan at pag-iisa dulot ng kawalan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa.

Ipinaliwanag ni Alarcon na mahalaga ang pananalangin sa Diyos upang masumpungan ang pag-asa at kalakasan ng loob na harapin ang mga pagsubok na dulot ng pandemya.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

“Keep the faith, manalig sa Diyos ang panahon natin ngayon makes us realize ang ating mga limitations at marami ito, pangalawa ipinapakita nito na kung mag-isa lang tayo hindi natin kakayanin, malalaki ang challenges kailangan magtulong tulong but manalig tayo because God has given us the capacity to face adversities and even in difficult times you can make a difference,” aniya, sa pahayag sa church-run Radio Veritas.

Binigyang-diin din ng Obispo na mahalagang pangalagaan ang mental health, tulad ng pangangalaga sa katawan sa pamamagitan ng masusustansyang pagkain at busugin ang puso ng mga positibong pananaw at disposisyon sa buhay.

Mary Ann Santiago