Bumagal ang growth rate ng coronavirus disease (COVID-19) sa Metro Manila kumpara sa tatlo hanggang apat na linggo na ang nakalilipas, sinabi ni Deputy Chief Implementer at Testing Czar Secretary Vince Dizon nitong Sabado.
Sa isang dayalogo sa mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Lungsod ng Quezon, sinabi ni Dizon na nitong mga nakaraang linggo, ang antas ng paglago ng mga kaso sa Metro Manila ay umabot sa “triple digit” o “high double digit” na 80 porsyento habang ang iba pang mga local government unit (LGUs) ay nasa 150 porsyento bawat dalawang linggo.
“Ngayon po we’re very happy to report kasama ang Quezon City, nasa low double digit na lang nasa 20 percent, 30 percent na lang ang ating growth rate so ibig sabihin po bumabagal na ang pagdami ng kaso sa NCR kasama na ang Quezon City,” lahad ni Dizon .
Sinabi niya na napakalaking tagumpay na ito kumpara sa mga nakaraang linggo. Muling binigyang-diin ng testing czar ang pangangailangan para sa consistency at tiniyak sa lahat ng LGUs pati na rin sa Greater Metro Manila kung saan nagmula ang marami sa mga kaso na susuportahan sila ng NTF at ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID ).
Nabanggit ni Dizon na ang pagiging consistent ay unti-unti nang nakikita sa iba`t ibang LGUs. “Kasi mahabang labanan pa ito eh. Kaya very very important po iyan sa ating laban. Kasi hindi ibig sabihin na ngayon bumaba na yung kaso hindi ibig sabihin na next week ‘di na tataas yan,” aniya.
“Kasi kung hindi ka consistent kung hindi mo itutuloy-tuloy maaaring bababa ka ngayon pero pag medyo nag lax ka ng konti, o medyo hindi mo tinuloy-tuloy yung pagte-test, pag-trace, pag-isolate, eh posibleng later on after a few more weeks, tataas naman ulit siya,” dagdag niya.
Mahalaga ang consistency kaakibat ang testing, tracing at isolation, ayon kay Dizon, dahil binubuksan ang ekonomiya at hindi na maipapataw ang mga lockdown. Ang laban sa COVID-19 ay hindi matatapos maliban kung mayroong isang subok at napatunayang bakuna na magagamit sa publiko.
“Kasi kung gagawin po natin to at consistent po tayo maniwala po kayo samin, bababa po ang mga kaso, at eventually mauunder control na po siya in the next few weeks. Tuloy-tuloy lang po dapat tayo,” ani Dizon. Samantala, ibinahagi rin ni Dizon na may mga grupo na ngayon sa Region VI at Bacolod. Si tetired General Mel Feliciano at Department Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu mula Cebu ay itinalaga ng Pangulo sa Negros Occidental at Iloilo upang kaagad na tugunan ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
-DHEL NAZARIO