Inihayag kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin, Jr. na nasa 177,000 iba pang overseas Filipino workers (OFWs) ang nakatakdang pauwiin sa bansa ngayong panahon ng pandemya.
Naninindigan at nagpapatuloy ang DFA sa kanyang repatriation efforts at pagsasaayos ng DFA chartered flights para sa mga kababayang nagnanais nang umuwi at mga apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic mula sa iba’t ibang bansa.
Sa datos ng DFA, umabot na sa kabuuang 144,795 OFWs ang napauwi na sa Pilipinas simula pa nitong Pebrero 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
Kabilang naman sa nakikitang problema sa repatriation efforts ng DFA ay ang mahirap na kalagayan sa pagsasaayos o arrangements lalo na kung walang Embahada o Konsulado ng Pilipinas sa isang bansa at kung may lockdown sa isang nasyon at nagpapatupad ng pagbabawal sa commercial flights.
Bella Gamotea