Tinanggap na nina Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III ang inihaing resignation letter ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president at chief executive officer Ricardo Morales.

Mismong si Duque ang nagkumpirma ng naturang balita sa isang pulong balitaan sa Calamba, Laguna, kahapon.

Ayon kay Duque, ang lagay ng kalusugan ni Morales ang dahilan nang pagtanggap nila sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.

“Tinanggap po natin at ni Pangulo ang kanyang pagbibitiw sa pwesto dahil po sa kanyang kalusugan. Alam po ng lahat na siya po ay may cancer, ito pong lymphoma,” ani Duque.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

Matatandaang una nang nagsumite si Morales ng kanyang liham ng pagbibitiw nitong Miyerkoles sa gitna nang alegasyon ng malawakang katiwalian sa ahensiya, matapos na sabihin nng pangulo na napapanahon na upang bumaba siya sa posisyon.

Habang wala pa naman siyang makakapalit sa puwesto, magsisilbi muna si PhilHealth executive vice president Arnel De Jesus bilang officer in charge (OIC) ng state health insurer.

-MARY ANN SANTIAGO