MATATANGGAP na ng mga manlalarong Pinoy ang kanilang buwanang sahod na buo at wala nang kaltas matapos ratipikahin ang bicameral committee report ng Bayanihan to Recover as One Act o “Bayanihan 2” nitong Lunes.
Sa Bayanihan 2 ay nakasingit ang P180 milyon para sa mga pambansang atleta at coaches para sa buwanang allowance nila na tinapyasan noong Hunyo dahil sa budgetary constraints bunsod ng Covid-19 pandemic.
“Maaaring lagdaan ito ng Pangulo ngayong linggo,” ayon kay Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, pangulo rin ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sa sandaling lagdaan ito ni Pangulong Duterte, muling makukuha ng mga atletang Pinoy ang kalahati ng kanilang monthly allowance na nabawasan noong Hunyo.
Kabilang din sa matatanggap nila nang retroactive ang nalalabing pera na nawala noong Hunyo, Hulyo, Agosto at sa darating na Setyembre.
“That’s our way telling our athletes who gave the country honor that we care and we appreciate them,” anang Tagaytay Congressman at PhilCycling chief. “Ang pera ay maaaring dumating sa unang mga araw ng susunod na buwan”.
Aniya, basta pinirmahan ito ng Pangulo, ilalathala ito at ire-release ng Department of Budget and Management (DBM) ang allocation notice sa Philippine Sports Commission ngayong Setyembre.
“If that will be the timeline, they (athletes) will receive the half of June, July, August and September then October will be full,” pahayag ni Tolentino.
-Bert de Guzman