Nalambat ng Philippine National Police (PNP) ang limang suspek na sangkot sa online sex trafficking na nagresulta sa pagkakaligtas ng 13 menor de edad at dalawang iba pa, sa ikinasang entrapment operation sa Bislig City, Surigao del Sur, kamakailan.

Sinabi ni PNP Chief, Police General Archie Gamboa na ito ay tugon sa ibinigay na impormasyon ng Australian Federal, agents ng Women and Children Protection Center, Anti-Cybercrime Group, mga operatiba ng Caraga Region Police at kinatawan ng Department of Social Welfare and Development and the Regional Inter-Agency Council Against Traffickng (RIACAT).

Inaresto ang mga suspek sa inilunsad na entrapment operations sa magkakahiwalay na lugar sa Bislig City, Surigao del Sur na pinaniniwalaang ginagamit sa ‘online live sex shows’ na nagtatampok sa mga bata na pinapanood ng mga dayuhan.

“I am warning the parents and guardians of minors who suffer abuse in their hands. We are tracking your illegal online sex operations. We know where you are, who you are dealing with and how you have profited from these deplorable acts. We will put you behind bars,” sabi ng PNP chief.

Probinsya

Babaeng sumagip ng naaksidenteng aso, patay sa bundol ng van

Paliwanag nito, isinilbi rin ng awtoridad ang Warrants to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) sa mga sinalakay na bahay na nagresulta ng pagkakadiskubre ng maraming ebidensiya ng child exploitation at trafficking.

Apat na suspek ang inaresto sa aktong nag-aalok ng mga hubad o malalaswang larawan ng mga bata (child pornographic materials) at live streaming sex show ng mga kabataan kapalit ng pera.

Ang 24-anyos na ikalimang suspek ay dinakip sa dahil sa pagpapanatili ng child pornographic materials sa kanyang cellphone.

Inihahanda na ang patung-patong na kaso laban sa mga suspek.

-Bella Gamotea