Tiniyak ng Quezon City local government unit (LGU) na walang naitalang sugatan o nasawi mula sa natupok na sunog sa Commonwealth Market nitong madaling araw ng Sabado, Abril 25.
Batay sa pahayag ng QC LGU, dahil sa mabilis na pagresponde ng Quezon City Bureau of Fire Protection (QC-BFP), agad naapula ang sunog bandang 6:00 ng umaga, na umabot sa ikalimang alarma, na sinasabing nagmula sa meat section.
Sa pagresponde ring ito, kasama ang emergency medical response team ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QC-DRRMO) upang tiyakin ang agarang atensyong medikal ng mga nangangailangan.
Sa pangunguna ng Market Development and Administration Department (MDAD) at Business Permits and Licensing Department (BPLD), kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang Quezon City LGU sa pribadong lessor ng Commonwealth Market at Philguaranty na may-ari ng lupa upang matukoy ang kabuoang bilang ng mga apektadong negosyo at mapag-aralan ang maipapaabot na tulong sa kanila.
Kasalukuyan na ring kumikilos ang iba’t ibang tanggapan ng LGU kabilang ang QC Department of Engineering (QCDE), Department of the Building Official (QCDBO), QC Health Department (QCHD), City Veterinary Department, QC Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), at Department of Sanitation and Cleanup Works of QC (DSQC), para sa structural assessment, hazard mapping, sanitary inspection, at clearing operations sa palengke.
Samantala, prayoridad ng QCDE at Meralco ang inspeksyon ng mga linya ng upang agad na maibalik ang kuryente dito.
Gayundin ang pagtitiyak ng kaayusan sa palengke at daloy ng trapiko sa paligid nito sa pangunguna ng QC Police District (QCPD), Department of Public Order and Safety (DPOS), City Veterinary Department, at QC Transport and Traffic Management Department (QCTTMD).
Sa kaugnay na ulat, batay sa mga ulat, 2:32 ng madaling araw nang sumiklab sunog sa Commonwealth Market, kung saan, kasama sa mga rumespondeng grupo ng bumbero at volunteers ay mula sa Marikina Filipino-Chinese Fire Brigade, upang maapula ang malaking apoy.