Natimbog ng pulisya ang isang babaing pulis matapos umanong kotongan ang tatlong babae na nauna niyang ipinaaresto sa kasong estafa, sa Sta. Mesa, Maynila, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Brig. Gen. Ronald Lee, hepe ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), ang suspek na si Staff Sgt. Clarissa dela Cruz, nakatalaga sa

National Capital Region Police Office Regional Holding and Accounting Unit.

Dinakip ito batay na rin sa reklamo ng isa sa mga biktima, ayon kay Lee.

UP, DLSU sanib-pwersa sa pagpapaunlad ng lipunang Pilipino

Sa imbestigasyon, nag-o-online selling umano ng face shields si dela Cruz at ginagamit ang isa sa mga complainant bilang ahente.

Nang mabigong mag-remit sa napagbentahan ang nasabing ahente, ipinaaresto niya ito sa Novaliches Police Station sa Quezon City, kabilang ang dalawa pa, sa kasong estafa.

Natuklasang hindi agad naghain ng kaso si dela Cruz laban sa tatlo at sa halip ay hinihingan niya ang mga ito ng P50,000 kaugnay ng naudlot na transaksyon.

Gayunman, binanggit ni Lee na ang ginawa ni dela Cruz ay pasok sa kasong robbery at extortion

Nitong Huwebes, inaresto ito sa Sta. Mesa sa Maynila, dakong 3:00 ng hapon.

Nasamsam sa kanya ang P10,000 marked money, isang cellular phone at motorsiklo.

-AARON B. RECUENCO