Muling nilinaw ng Manila Electric Company (MERALCO) na hindi sa kanila napupunta ang kontrobersyal na dagdag singil sa electric bill ngayong buwan.
MAKI-BALITA: EXPLAINER: Iba't ibang charges na nagpataas sa electric bill nitong Abril
Sa panayam sa media ni Meralco Vice President Joel Zaldarriaga, iginiit niyang walang kinikita ang Meralco mula sa mga bayaring nakalista sa electric bill ng mga konsyumer at binigyang-diin niyang pawanag tagasingil lang daw sila.
“Nagsisilbi lamang kami bilang collection agent para sa mga singill na ito. Hindi kumikita ang Meralco dito,” ani Zaldarriaga.
Binanatan din ni Zaldarriaga ang mga nagpapakalat umano ng mga maling impormasyon at nagdidiin sa kanila bilang pawang nagpapakasasa sa mataas na singilin sa mga konsyumer.
“Lahat ng kasinungalingan, disservice po 'yan sa mga kababayan natin. Kung tayo ay magbibigay ng impormasyon, sana yung totoo lang. Walang halong panlilinlang o kasinungalingan,” anang Meralco Vice President.
Matatandaang noong Linggo, nauna nang naglabas ng pahayag ang Meralco matapos pumutok sa social media ang mataas na singil ng Meralco ngayong buwan.
Ayon sa Meralco hindi company-based ang nagtakda ng taas-singil sa kuryente at ang lahat ng mga ito ay nakabatay umano sa batas.
“The electricity bills detail components and charges in a transparent manner,” clarified Meralco Vice President for Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga sa inilabas na pahayag nitong Linggo, Abril 26, 2026.
Ipinaliwanag din ng Meralco na ang mga singil na ito ay kinabibilangan ng iba’t ibang subsidiya at buwis na ipinapasa sa mga ahensya ng gobyerno.
Kabilang dito ang mga programa tulad ng discount para sa senior citizens, Lifeline Rate para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), Feed-in Tariff Allowance, at Green Energy Auction Allowance.
KAUGNAY NA BALITA: Dagdag-singil sa kuryente, hindi ‘company-imposed bill!’—Meralco