Kumikilos na ngayon ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) para magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa ulat na nasira ang mga computer at dokumento ng Philippines Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Region 1 bunsod ng malakas na ulan.
Ayon kay Commissioner Greco Belgica, nagpadala na sila ng mga tauhan mula sa National Bureau of Investigation (NBI) para tingnan at tiyakin kung tama ang nakarating na balita sa kanilang ahensya.
“I received the report, kaya pinatingnan ko po agad sa NBI at bina-validate… basically tsine-check kung ano talaga ang nangyari doon,” ani Belgica.
Paliwanag ni Belgica, ang opisina ng PhilHealth sa Region 1 ay nasa ilalim ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing hindi pagtugon ng opisina sa 200 kaso ng pandadaya kabilang na ang pagkakaroon umano ng ghost patients.
Inamin ni Belgica na nakababahala ang pagkasira ng mga nasabing kagamitan lalo na at nasa ilalim ito ng imbestigasyon.
“Siyempre this endangers ‘yung mga documents at ‘yung computer systems,” paliwanag pa nito.
Gayunman, tiniyak ni Belgica na may mga hawak naman na silang mga mahahalagang dokumento na magpapa-usad sa imbestigasyon sa state insurer kahit pa aminado ito na ang mga dating kaso ay posibleng makompromiso sakaling ang ialng dokumento ay masira.
“Ang maaaring maapektuhan ay ‘yung mga bagong issues ngayon gaya ng IRM (Interim Reimbursement Mechanism),” sabi pa nito.
-Beth Camia