Magiging 10 taon na ang itatagal ng lisensya ng mga drayber sa bansa sa susunod na taon, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Gayunman, binanggit ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante na ang mga drayber na may umiiral na violations ay hindi eligible sa nasabing hakbang na ipatutupad sa Oktubre 2021.

“Yung pagpapalawig ng ating lisensya hanggang 10 years, mangyayari ito starting October 2021. Pero hindi lahat ng drivers license possessor ay makaka-enjoy nitong 10-year validity ng license, lalo na kung mayroon siyang demerit point,” ayon kay Galvante.

Aniya, magsisilbi itong insentibo sa mga drayber na disiplinado o sumusunod sa batas-trapiko.

National

Atty. Kaufman, nagsalita sa umano'y 'request' hinggil sa ID requirements ng EJK victims

Matatandaang ipinatupad ang demerit system ng LTO nitong nakaraang taon bilang bahagi ng implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act Number 10930 na pirmado ni

Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 na nagpapalawig sa bisa ng of drivers’ license.

Sa pamamagitan ng nasabing sistema, inayos ang mga paglabag depende sa bigat nito, para sa pagpapataw ng demerit points.

Nakapaloob sa IRR, kabilang sa mga paglabag ang pagmamaneho ng sasakyang ginamit sa isang krimen, paggamit ng colorum na sasakyan, at pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak, droga at iba pa.

“Kung ang driver ay maka-accumulate ng several demerit points during the duration of the validity of the license, maaaring magkaroon ng mga imposition of fines and penalties, which can range from suspension and even revocation of the license. Maaari ring i-require na magdaan siya sa re-orientation as a driver,” ayon sa kanya.

“Hopefully, this measure will help reduce road crashers, as well as traffic accidents which usually cause injuries and even deaths,” dagdag pa nito.

-Alexandria Dennise San Juan