MAS pinahaba ng Games and Amusement Board (GAB) ang deadline sa pagpaparehistro ng mga napasong lisensiya bilang pagbibigay halaga sa kalusugan at sa kasalukuyang sitwasyon nang maraming professional athletes dulot ng lockdown para maabatan ang COVID-19 pandemic.

Mitra

Mitra

Sa bagong memorandum na inilabas ng GAB na may petsang Agosto 13 at nilagdaan nina Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, hanggang Disyembre 31 ang pagtanggap sa aplikasyon para sa renewal at wala pa ring nakapatong na penalty.

“In relation to the continuous threat of COVID-19 in the country and as part of the Games and Amusement Board’s response to assist its clients, the renewal of licences for PY2020 without t corresponding penalty is hereby further extended until December 31, 2020,” pahaya sa GAB memorandum.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Muling hinihikayat ni Mitra ang lahat ng pro athletes at mga lisensiyadong indibidwal sa pangangasiwa ng professional sports agency ng bansa na ipa-renew ang kanilang mga lisensiya sa tanggapan ng GAB sa Makati City.

“Muling magbubukas ang GAB dahil balik ECQ na ang Manila. May mga itinakda tayong health protocol para na rin sa safety ng ating mga atleta at empleyado,” pahayag ni Mitra.

Ipinaalala rin ng dating Palawan Governor at Congressman na mahigpit na ipinapatupad ang pagsusuot ng face mask, face shield, temperature scanning, physical distancing, paggamit ng footbath at sanitizing sa mga kamay, gayundin ang pagsumite ng Health Declaration form.

“Hindi pa rin po tayo maglalagay ng penalty dahil alam naman po namin ang pinagdaan ng marami sa atin, lalo na ang mga fighters natin na ‘no fight, no pay’,” sambit ng dating Palawan Congressman at Governor.

Nitong Hulyo, nagpalabas ang GAB ng parehong memorandum, ngunit ang deadline ay itinakda lamang hanggang Agosto 15.

Malaking halaga ang nawala sa GAB mula sa revenue ng mga laro at sa lisensiya dahil sa pandemic, subalit umaasa si Mitra na may magandang hinaharap ang professional sports, higit at nadadagdagan ang mga liga at organisasyon na nagpapa-sanctioned sa ahensiya.

-Edwin Rollon