ISA pang tagumpay ang naitala ni Pinoy pole vaulter EJ Obiena sa kanyang paghahanda sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Tumapos sa ikalawang puwesto ang Olympic bound athlete sa ginanap na virtual competition na ‘Who is the Finest Pole Vaulter in the World’ nitong Lunes.
Nalagpasan ni Obiena ang taas na 5.60-meter upang masungkit ang silver medal sa torneo na ginagawa bilang bahagi ng paghahanda sa quadrennial Games sa ilalim ng ‘new normal’.
Nanguna si Rio Olympic champion Thiago Braz ng Brazil sa kanyang 5.70- meter, habang pangatlo si US Indoor champion Matt Ludwig (5.35m).
Kamakailan, nakasama sa podium si Obiena sa ginanap na Diamond League kung saan lumundag ito ng 5.70m, habang nakamit niya ang silver medal sa taas na 5.45m sa Triveneto Meet sa Trieste.
Ang 24-anyos at anak ni SEA Games multi-titled Emerson Obiena ang una sa apat na Pinoy na nakasungkit ng slots sa Tokyo Games na naantala bunsod ng COVID-19 pandemic. Tangan niya ang National Record na 5.76-meter.
-Annie Abad