Simula sa Setyembre 1 ay muli nang magpapatuloy ang pagsasagawa ng voter registration sa bansa.
Sa anunsiyo ng Commission on Elections (Comelec), ipagpapatuloy ang voter registration sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) habang mananatili naman itong suspendido sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sakali umanong mailagay ang isang lugar sa MECQ at ECQ ay awtomatikong sususpindihin ang voter registration at ibabalik naman kung mabalik na sila sa GCQ at MGCQ.
Ang aplikasyon para sa pagpaparehistro ay maaaring isumite mula Martes hanggang Sabado, 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa mga tanggapan ng Comelec.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang mga magpaparehistro na mag-download na ng application form sa website ng poll body na www.comelec.gov.ph.
Pero paalala ni Jimenez, sagutan lamang ang form at huwag munang pirmahan dahil kinakailangan aniyang lagdaan ito sa harap lamang ng election officer sa tanggapan ng Comelec.
Tiniyak naman ng opisyal ang pagpapatupad ng mga kaukulang pag-iingat laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa muling pagpapatuloy ng voter registration.
Kabilang rito ang paglimita sa bilang ng taong papayagang makapasok sa loob ng tanggapan ng Comelec, pagsunod sa physical distancing at pagtiyak na ang mga aplikante ay may suot na face mask at face shields.
Ipinaalala rin ng Comelec sa mga aplikante na magdala ng sariling ballpen.
Obligado rin anila ang mga magpaparehistro na lumagda sa Coronavirus Self-Declaration Form para sa contact tracing, sakaling kailanganin ito.
-Mary Ann Santiago