KUNG si Freddie Roach ang paniniwalaan, dalawa pang laban ang kailangan ni boxing icon Sen. Manny Pacquiao, bago niya targetin ang election sa pagkapangulo ng Pilipinas.
Sa panayam kay veteran boxing writer Dan Rafael, sinabi ni Roach, long-time trainer ng Filipino boxing legend, dapat pang lumaban sa magagaling na boksingero sa mundo si Pacquiao bago ang posibleng pag-ambisyon sa pagka- Pangulo ng Pilipinas.
Si Pacquiao ay malapit na kaibigan ni Pangulong Duterte at ilang beses na sinabi nito sa publiko na ang susunod na pangulo ng bansa ay ang boksingero. Sina Duterte at Pacquiao ay kapwa taga-Mindanao. Gayunman, malimit na sabihin ni Pacman na hindi pa niya ito pinag-iisipan.
Ganito ang pahayag ni Roach sa Boxing Scene: “I’ve had discussions with Manny on having two more fights for his career and then maybe (stay) in the politician side of it”.
Nagbibiro pa si Roach nang idagdag: “Ang sabi ko, nais kung ako ang magpatakbo ng kanyang kampanya.”
Huling lumaban si Pacquiao at nanalo kay Keith Thurman sa WBA (Super) welterweight belt noong Hulyo 2019.
“Manny would like to fight a couple of more times and then run for the presidency of his country,” ayon kay Roach. “The first fighter to ever do that and it will be another part of his history and I think he will be really good at it.”
-Bert de Guzman