Mariing iginiit ng Malacañang na ginawa naman lahat ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos, Jr. upang mapabalik sa bansa si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa press briefing na isinagawa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Abril 28, tahasang ipinahayag ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na maging sila ay umasang mapauuwi na ang dating kongresista sa Pilipinas.
“Lahat naman po tayo ay umasa. Lahat naman po ng dapat gawin ay ginawa ng Pangulo at ng administrasyon,” saad ni Usec. Castro.
Natanong din ang press officer kung mako-compel nga bang manghingi ng tawad ang Pangulo kaugnay sa iniulat nito patungkol sa umano’y pagkakahuli kay Zaldy Co, sapagkat marami ang umasa gayong nanggaling mismo kay Marcos, Jr. ang nasabing anunsyo.
“Ang kaniyang ini-report naman po ay tama… So, wala po tayong nakikita na maaaring sabihing pagkakamali ng Pangulo dahil hindi po ito tinulugan ng Pangulo,” anang press officer.
Sa parehong press briefing, isiniwalat din ni Usec. Castro na dismayado si PBBM nang malaman nitong wala na sa Czech Republic si Co.
“Nakausap po mismo natin ang Pangulo ngayong araw… at sinabi niya na disappointed siya dahil malapit na sana nating napauwi si Zaldy Co,” ani Usec. Castro.
MAKI-BALITA: 'Malapit na sana nating napauwi:' PBBM, dismayadong wala na sa Czech Republic si Zaldy Co-Balita