Inihain ni Sen. Bam Aquino ang resolusyong magsusuri sa kasalukuyang disenyo at pagpopondo ng mga subsidiya sa kuryente upang mapagaan ang pasanin sa bayarin ng mga Pilipino.
Sa inilabas na pahayag ni Aquino nitong Martes, Abril 28, kinilala niyang mahalagang tulong ang “lifeline rate” na ayon sa Manila Electric Railroad and Light Company (Meralco), ay isang subsidiyang ibinibigay sa mga kwalipikadong “low-income” customers na walang kakayahang magbayad ng kuryente sa kabuoang presyo nito.
Gayunman, layong suriin ng inihain niyang Senate Resolution No. 375 kung maaaring kuhanin na lamang sa pambansang badyet ang pondo sa subsidiyang ito kaysa sa pamamagitan ng “cross-subsidy mechanism” na ipinapasan sa monthly bill ng ibang konsyumer.
Aniya, sa kasagsagan ng kinahaharap na krisis sa enerhiya ng bansa, ang mekanismong ito ay dumadagdag pa sa gastusin ng mga Pinoy.
Kaya layon ng paghahaing ito na tiyakin ang maayos na pagpopondo upang hindi naililipat ang bigat ng gastusin sa ibang konsyumer.
Saad pa ni Aquino, sa ganitong paraan, naniniwala siyang matitiyak ang transparency, pananagutan, at mas makatarungang sistema ng pagpopondo para sa lahat ng Pinoy.