Plano ng Department of Health (DOH) na magpatupad ng “granular lockdowns” para mabantayan at patuloy na mapangalagaan ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan nito laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sa sandaling tuluyan nang alisin ng pamahalaan ang umiiral ditong modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Agosto 18.
Nabatid na ang granular lockdowns ay kinabibilangan ng paghihigpit sa galaw ng mga residente sa mas maliit na lugar, sa halip na sa buong rehiyon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ginagabayan na ngayon ng national government ang mga local government units (LGUs) hinggil sa pagpapatupad ng granular lockdowns.
“Our safeguard if and when, the government will decide that we will be easing out on these restrictions, would be the granular lockdowns that we are now guiding LGUs with,” ani Vergeire, sa panayam sa telebisyon.
Sinabi pa ni Vergeire na bago magdesisyon ang pamahalaan kung aalisin agad ang MECQ o hindi, ay dapat nitong ikonsidera ang estado ng mga istratehiya na ipinatutupad sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan, gayundin ang kasalukuyang bilang ng mga kaso ng sakit at ang kapasidad ng health system.
“But we have to look at the other side of the coin, we have to look at the economic side, and our economic managers are already saying that if we push through and extend quarantine here in Metro Manila or other parts of the country, a lot of the people would suffer from hunger already and other diseases will also be evident so we also have to balance when we try to decide,” aniya.
Matatandaang nagdesisyon ang pamahalaan na isailalim muli ang Metro Manila at apat pang lalawigan sa MECQ base na rin sa kahilingan ng medical community, at bunsod nang patuloy na pagdami nang naitatalang COVID-19 cases sa mga naturang lugar. Sinimulan ito nitong Agosto 4 at inaasahang magtatagal hanggang Agosto 18.
-Mary Ann Santiago