Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang dalawang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) dahil umano sa pamemeke ng travel records ng isang Austrian na mayroong criminal records.
Sa rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ), pinakakasuhan nito ng Falsification of Public Documents by a Public Official at paglabag sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) in relation to Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina Perry Michael Pancho, nakatalaga sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) at Marcus Nicodemus, nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, Pasay City.
Ayon kay NBI Officer-In-Charge director Eric Distor, ang dalawang Immigration officer ay sangkot umano sa pamemeke ng papeles ng dayuhang si Jan Marsalek na dumating sa bansa noong Hunyo 23.
Ang nasabing dayuhan ay nahaharap sa kasong US$ 2.2 bilyong Wirecard fraud sa Germany.
Nagduda ang mga opisyal dahil sa petsang nakasaad ng pagdating sa bansa ng dayuhan at pagbiyahe nito sa Mactan airport dahil umiiral ang mahigpit na immigrations protocol na nagbabawal sa mga pasahero na pumasok sa Pilipinas dahil sa pandemya ng COVID-19.
Nakasaad sa pineke ang record ng dayuhan na Hunyo 24, 2020 siya umalis ng Mactan Airport na imposibleng mangyari dahil nang panahong iyon ay walang available flights sa Paliparan.
-Beth Camia