HINDI nagustuhan ni Willie Revillame ang report ni Pia Ranada ng Rappler ang terminong ginamit nito na ‘hijack’ habang isinasagawa ang press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Biyernes, Agosto 7 sa kuwarto ng Wil Tower na pag-aari ng Wowowin host.
Ang titulo ng report ni Pia, “Willie Revillame hijacks Roque press briefing to promote charity, GMA7 show.”
Bahagi pa ng isinulat ng reporter, “Revillame vows to give jeepney drivers P5 million and plugs in his show Wowowin during a government press briefing.”Sa programang ng Wowowin nitong Lunes, Agosto 10 sa segment na Tutok To Win ay klinaro ni Willie na hindi ‘hijack’ ang nangyari at ipinagdiinan din niyang hindi siya nagbubuhat ng bangko para sumikat.
“Ang alam ko sa hijack, may hino-hostage ka, may dala kang armas at nangha-hijack ka.
“Ang ibig ko hong sabihin, hindi ho maganda ‘yung pagkasulat. Hinijack ko daw yung programang ‘yon. I was invited by the secretary, binigyan ako ng pagkakataon.
“Sana ho, Miss Pia Ranada wala akong pinasisikat at hindi ko kailangan gawin ‘yon.
Alam mo bakit? Ang mga bida sa programang ito, yung mga nangangailangan.
“Sana sa pagsulat mo, alamin mo muna kung ano ang istorya. Kaya nga sinasabihan kayo na fake news kayo, hindi totoo ang sinasabi mo.
“Never akong mangha-hijack. Kung pala ang hijack ay kabutihan, e, di mang-hijack na lang tayo, kung magbibigay ang hijacker ng five million,”pangangatwiran ni Willie.
Bakit nga ba ang Wil Tower ang ginagamit na venue ng press briefing ni Mr. Roque.
Nag-positibo raw kasi sa COVID-19 ang ilang empleyado ng ng RTVM at PTV4 simula pa noong Agosto 3.
Aniya, “Wala po silang studio na magagamit, so nu’ng tinawagan niya (Harry) ako, right there and then, pumunta na po ako sa Wil Tower.
“Ako na ho ang nag-asikaso, at ‘yan po ang studio na ginagamit ni Secretary Harry Roque magmula last Monday. Ginawan ko po ‘yan ng paraan.”
Nabanggit pa ni Willie na inimbitahan siya nu’ng una pa ni Mr. Roque sa press briefing para mapasalamatan siya, pero umayaw siya dahil hindi kailangan.
“Sabi ko, ‘Sir, hindi ho appropriate dahil hindi naman ako pulitiko and, also, I have my own show.’
“Noong last Friday po, August 7, sabi niya, ‘Baka huling araw na namin sa studio. Puwede bang lumabas ka lang para lang mapasalamatan kita nang personal?’
“Kaya ho noong lumabas ako, nagbuhat pa ako ng bangko, binuhat ko talaga nang literal na bangko to lighten up the situation,” kuwento ng TV host.
Sa pagpapatuloy pa, “E, parang napasama pa ho ako sa iba. Na parang nagbuhat ako ng bangko ko, parang nagyabang pa ako?
Sinagot naman kaagad ni Pia Ranada ang pag-alma ni Willie sa kanyang Twitter account kinagabihan ng Lunes.
“Hi Willie Revillame! Ito po ang ilang mga ibang depinisyon ng ‘hijack’ kung sakaling inaakusahan mo ako ng fake news dahil ang intindi mo sa ‘hijack’ ay pagnakaw ng sasakyan.” Dalawang definition ng hijack ang pinost nito.
-REGGEE BONOAN