Kasabay nang pagpapaabot ng pakikiramay at pakikidalamhati sa pagkamatay ni dating Manila Mayor Alfredo Lim, pinaalalahanan ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko na pag-ingatan ang kanilang sarili dahil walang sinisino ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang Facebook Live kamakalawa ng gabi, malungkot na inianunsiyo ni Moreno ang pagpanaw ni Lim dahil sa COVID-19 dakong 5:00 ng hapon ng Sabado.

“Ngayong araw na ito, mga kababayang kong taga-Lungsod, nais ko pong ipabatid sa inyo ang isang balita sa atin bilang taga- lungsod, bilang batang Maynila. Si dating Mayor Alfredo Lim ay sumakabilang buhay na po dala ng pagkaka-impeksyon niya sa COVID-19 ilang araw na po ang nakararaan ngunit hindi na rin po kinaya ng kaniyang katawan at opisyal na po siyang dineklara na sumakabilang buhay kanina (Sabado) pong alas-singko ng hapon,” malungkot na anunsiyo ni Moreno.

Isa-isa ring inalala ni Moreno ang mga kabutihang nagawa ni Lim hindi lamang sa Maynila, kundi para sa buong bansa, na hanggang ngayon aniya ay pinakikinabangan pa ng mga residente.

National

PBBM nanindigang may flood control projects: 'Na-overwhelm lang... hindi kaya'

“Para po sa mga kabataan na nanonood ngayon ay nais kong ipaalala sa inyo na sa loob ng mahabang panahon ang buhay ni Mayor Lim ay inalay niya halos lahat ito sa paglilingkod sa bayan. 30 years po siyang naging pulis, naglingkod sa lungsod ng Maynila, simula patrol man hanggang maging chief ng police ng lungsod ng Maynila at pagkatapos noon ay siya ay naitalaga bilang NBI director (National Bureau of Investigation),” ani Moreno.

“At siya rin po ay naging DILG (Department of Interior and Local Government) Secretary ng ating bansa at naging senador din po ng tatlong taon, at siya po ay 12 taong naglingkod sa ating lungsod. Siya po ay hindi natin makakalimutan… ang paglilingkod niya sa ating lungsod. Sapagkat hanggang sa ngayon ay patuloy na pinakikinabangan ng mga batang Maynila ang mga programa at proyekto ng minamahal nating mayor,” aniya pa.

Kaugnay naman ng pagkamatay ni Lim, sinabi ni Moreno na dapat itong gamiting tanda para sa lahat na maging maingat, dahil ang pandemya ay walang sini-sinong tao.

“So muli mga kababayan, taos puso po akong nakikiramay sa pamilya ni Mayor Lim at gamitin natin ‘tong tanda, na tayo ay talagang kailangan mag-ingat… na itong pandemya na ‘to, ay walang sini-sinong tao. Siguro hanggang sa dulo, pinaglingkuran tayo ni Mayor Lim… para paalalahanan tayo kung gaano kabigat ang sitwasyon na ating kinakaharap, na ito’y makapaminsala sa ating kalusugan,” aniya.

“If I may look it that way, I think Mayor Lim did service for us to remind us to be careful. Pag-ingatan natin ang ating sarili,” aniya pa.

-Mary Ann Santiago