Naglaan ang Kamara ng P300 milyon bilang tulong-pinansiyal sa libu-libong guro at kawani ng mga pribadong paaralan na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ang nasabing alokasyon ay isinama sa P162 bilyong Bayanihan to Recover As One o Bayanihan 2, na pinagtibay ng House of Representatives (HOR) sa pangalawang pagbasa noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Deputy Speaker Mikee Romero na ipagkakaloob sa mga guro at kawani ng pribadong paaralan ang ayuda na labis na pininsala ng pandemya at nawalan ng trabaho at kita sapul nang ipataw ang community quarantine ni Pangulong Duterte noong Marso 16.

“We will provide one-time assistance for employees in private schools who, like most of our workers, have been affected by the coronavirus pandemic” ayon kay Romero ng I-Pacman Party-list.

UP, DLSU sanib-pwersa sa pagpapaunlad ng lipunang Pilipino

Itinatakda ng HB 6953 ang pagkakaloob ng P300 milyong subsidies para sa mga guro at tauhan ng private tertiary education institutions at part-time personnel ng state universities and colleges (SUCs).

Pagkakalooban ang mga apektadong guro at kawani na cash aid na P5,000 hanggang P8,000. Bahagi ito ng Bayanihan 2 bill, na wala sa unang Bayanihan 1 law.

-Bert de Guzman