NAGKASUNDO ang ASEAN at US na palakasin ang kapasidad na makayanan ang bagong bugso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) infection at malimitahan ang epekto ng pandemya sa ginanap na virtual 33rd Asean-US Dialogue nitong Miyerkules.
Dumalo sa pulong si Vietnamese Deputy Minister of Foreign Affairs Nguyễn Quốc Dũng.
Sinabi ni US Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs David Stilwell na nakapagbigay na ang US ng $87 milyong tulong sa mga bansa sa ASEAN upang makaagapay sa paglaban sa COVID-19, kasama ng pangako ng US na matulungan ang ASEAN na mapalakas ang kakayahan na mapigilan at pagtugon sa sakit, at ang implementasyon ng ASEAN-US Health Futures Initiative and human resource training.
Ikinalugod naman ng mga kinatawan ng mga bansa sa ASEAN ang napapanahong pinansiyal na suporta ng US upang mapigilan ang pagkalat ng virus at umaasa na patuloy na susuporta ang makikibahagi ang US sa mga inisyatibo ng ASEAN sa COVID-19 response fund at ang regional reserve of emergency medical supplies.
Iginiit ni Stilwell, US diplomat, na laging binibigyang halaga ng US ang relasyon nito sa ASEAN at sumusuporta sa rehiyon sa tungkulin nito sa regional structure.
Labis namang ikinalugod ng US ang pagiging ASEAN Chair ng Vietnam, sa koordinasyon at paggabay sa ASEAN na malampasan ang mga paghihirap at pagsubok na dala ng COVID-19 pandemic, gayundin ang pagsisikap na maipagpatuloy ang pagsusulong ng kooperasyon at pagpapaunlad sa rehiyon.
Sa teleconference, nagkasundo ang magkabilang panig na patuloy na pagyayamanin ang estratehikal na ugnayan at kooperasyon sa ilalim ng balangkas ng mga programa at inisyatibo, kabilang ang US-Asean Trade and Investment Arrangement, US-Asean Connect Initiative, US-Asean Smart Cities Partnership, at Young Southeast Asian Leadership Initiative.
Nakipagkasundo ang ASEAN na makikipagtulungan sa US upang matapos ang implementasyon ng ASEAN-US Action Plan for 2016-2020 period at maipatupad ang bilateral cooperation action plan for 2021-2025.
Ayon kay Deputy Minister Dũng, na siya ring pinuno ng Vietnam’s ASEAN Senior Officials’ Meeting, sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya, naisusulong pa rin ng ASEAN ang diwa ng ‘Cohesive and Responsive’, solidarity, unity at pagsisikap ng buong komunidad na malampasan ang mga pagsubok.
Sinabi ng opisyal na kailangang maisulong ng mga bansa ang diyalogo, palakasin ang tiwala at accountability upang mabuo ang South China Sea (East Sea sa Vietnam) bilang rehiyon ng kapayapaan, pagkakaibigan at kooperasyon.
Muli ring binigyang-diin ni Deputy Minister Dũng ang ASEAN principle sa pagsisiguro ng kapayapaan, seguridad, istabilidad, kaligtasan at kalayaan sa paglalakbay o pagdaan sa South China Sea; paghikayat sa magkabilang panig na iwasan ang anumang aksyon na magpapa-komplikado sa sitwasyon, iwasan ang militarisasyon at ayusin ang sigalot sa mapayapang pamamaraan na nakaayon sa international laws kabilang ang 1982 UN Convention on the Law of the Sea.
Ang prinsipyong ito ay napagkasunduan ng mga ASEAN leader noong 36th Asean Summit.
Nanawagan din ito sa mga bansa na ipagpatuloy ang epektibo at lubusang implementasyon ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea at muling buhayin ang negosasyon upang maisapinal ang Code of Conduct in the South China Sea.
PNA