Gumagana ang implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa pagbawas ng bilang ng mga pang-araw-araw na impeksyon sa COVID-19 sa National Capital Region (NCR), sinabi ng isang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) nitong Biyernes.
Sinabi ni Dr. Guido David, miyembro ng UP-OCTA Research, na nakikita ng kanyang grupo ang “positive trend” sa ilang bilang ng kaso simula nang ibalik ang Metro Manila sa MECQ nitong Agosto.
“So far, nakikita natin medyo positive ‘yung trend sa NCR, medyo bumababa siya. We will see next week kung bababa pa siya na mas mabilis na pace,” sinabi ni David sa DZMM Teleradyo.
Ayon kay David, ibinaba nila ang kanilang naunang case projections mula 220,000 sa katapusan ng Agosto sa 190,000 dahil sa pagbabalik ng NCR sa MECQ.
“We’ve actually seen some positive indicators,” ani David.
Sinabi ni David na ang epekto ng mas mahigpit na quarantine ay nakita rin sa Cebu City na sinabi niya na na-flatten ang curve.
“Dati 300 cases sila per day, ngayon 100 cases na lang ‘yung average nila per day, so nag work talaga sa Cebu City,” ani David.
Nang tanungin kung tama ba ang diskarte gobyerno sa pagtugon sa COVID-19, sinabi ninDavid: “I think naging tama ‘yung approach.”
At bagamat masyado pang maaga para sabihin kung nananalo ang Pilipinas sa laban sa COVID-19, sinabi ni David na ang trend ng mga kaso sa bansa ay nasa “right direction” na.
“Kasi nung July, nakaka-frustrate, kasi lumobo talaga. Ngayon medyo nag-stabilize. I think we’re trending in the right direction, medyo bumababa ‘yung mga cases natin (sa NCR), hopefully, sa Calabarzon din,” aniya.
“Ayoko pa masabi na nananalo tayo, medyo premature para sabihin ‘yon kasi (the) trend can reverse,” dagdag niya.
Sinabi rin ni David na sa sandaling magbalik na muli ang NCR sa GCQ, kailangang maging “careful” ang gobyerno sa pagpapatupad ng protocols at pagpili kung aling mga negosyo ang muling magbubukas.
“Wala kasi kaming data kung saan nanggagaling ‘yung transmission. So ngayon based sa anectdotes, maraming transmission na nagyayari sa offices,” aniya.
-NOREEN JAZUL