TALAGANG matindi ang pinsalang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ating bansa. Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), may 141,958 ang nawalan ng trabaho dahil sa pananalasa ng pandemya sa taong ito. Karamihan sa nawalan ng pagkakakitaan ay mula sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.

Mahigit palang 6,000 kompanya at establisimyento ang napilitang magtanggal ng mga manggagawa mula noong Enero 2020 hanggang ngayon samantalang 630 ang tuluyang nagsara. Sa nagsarang mga kompanya, may 13,484 manggagawa ang apektado samantalang ang 6,163 kompanya na nagbawas ng workforce ay nagtanggal ng 128,478 empleyado.

Nabigla ang mundo sa biglang pagsulpot ng pambihirang virus na ito na nagmula sa Wuhan City, China. Mahigit na sa 18 milyon ang tinamaan ng COVID-19 sa daigdig at halos 700,000 ang namatay sanhi ng sakit.

Nangunguna ang United States sa dami ng mga infected ng virus na ito. Halos limang milyon na ang nagpositibo samantalang umabot na sa 160,000 ang namatay. Sumusunod sa US ang Brazil, Spain, Italy, UK. Sa Pilipinas, kumikilos nang husto ang administrasyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), kasama ang Department of Health, IATF at iba pang departamento para masugpo ang COVID-19 pandemic na puminpinsala sa ekonomiya.

Mismong si PRRD ang umamin na kulang na ang pera o pondo na itutulong sa libu-libong Pinoy na nangawalan ng trabaho. Ang iba nga ay namamalimos na, tulad ng jeepney drivers. Ayon sa Pangulo, wala na siyang pera. Ang dalawa raw niyang bulsa ay butas na ang isa. Wala nang pera. Dahil dito, inirerekomenda sa kanya ng economic managers na buksan ang ekonomiya, hayaang mag-operate ang mga negosyo upang magkapera ang pamahalaan.

Gayunman, hindi basta-basta puwedeng buksan ang ekonomiya at negosyo dahil kailangang balansehin ito sa aspekto ng kalusugan ng halos 110 milyong Pilipino. Maging ang mga grupo ng manggagamot, nurses, medical technologists ay nagpahayag ng kanilang karaingan na kung maaari ay higpitan ng Pangulo ang comumunity quarantine bunsod ng paglobo ng mga pasyante na biktima ng COVID-19.

Dumaraing ang mga grupo ng doktor na pagod na sila. Kailangan din nila ang pahinga. Ang pagamutan ay punung-puno ng mga pasyente kung kaya kailangan ang “time-out” upang bukod sa sila’y makapagpahinga, bababa rin ang bilang mga taong tatamaan ng pandemya kapag naghigpit uli sa paglabas sa mga lansangangan, trabaho at restawran.

Kung paniniwalaan ang isang opisyal ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth), ilang pinuno ng ahensiya ang “nagbulsa” ng umano’y P15 bilyon sa pamamagitan ng anomalous transactions. Ito ang inihayag ni Thorsson Montes Keith, na nag-resign bilang Anti-Fraud Legal Officer ng PhilHealth, sa pagdinig sa Senado noong Martes.

Sana ay matuklasan at matunton ng Senado at ng PACC na si Greco Belgica ay isang commissioner, ang kabulastugan sa PhilHealth upang malaman ng publiko ang mga walanghiyang pinuno ng ahensiya na nagbubulsa ng bilyun-bilyong pisong pondo na talagang inilaan para sa mga pasyente.

Hindi ba noon ay malimit sabihin ni Mano Digong ang “Just a whiff of corruption”, sisibakin niya ang sino mang puno ng departamento, tanggapan, ahensiya at iba pa? Mr. President, hindi lang ito isang “whiff” kundi isang “storm” o malakas na hihip ng hangin ng katiwalian.

Nagtatanong ang mga mamamayan, maninibak ka ba o hindi mo ito aaksiyunan dahil ang mga taong involved, laluna ang pinakamataas, ay iyong kaalyado?

-Bert de Guzman