Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y malawakang korapsyon sa PhilHealth.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Presidential spokesman Harry Roque na nagsabing mismong si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang inatasan ng pangulo upang bumuo ng task force na sisilip sa nasabing usapin.

Ang nasabing hakbang ay kasunod na rin ng ibinunyag ng nag-resign na si PhilHealth anti-fraud officer Thorsson Montes Keith na nagbulsa ng P15 bilyon ang matataas na opisyal ng PhiHealth sa pamamagitan ng madadayang sistema.

Kabilang sa bumubuo ng task force ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Office of the Executive Secretary (OES), Office of the Special Assistant to the President (OSAP) at iba pang ahensya, katulad ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Eleksyon

Sara for President? VP Sara, inalis OVP seal sa kampanya; biro niya, palitan daw ng OP seal

Sa nasabing memorandum ni Duterte, pinagtatrabaho nito ang

Department of Justice (DOJ) dahil ito ang pangunahing law agency ng pamahalaan at may kapangyarihang imbestigahan ang naganap na krimen at usigin ang mga nagkasala.

“The DOJ is hereby directed to organize a panel for the conduct of an investigation on the various allegations of corruption and anomalies in the PhilHealth,” ang bahagi ng memorandum.

Isasailalim din ng task force sa auditing ang pananalapi ng PhilHealth at magsasagawa rin ng lifestyle check sa mga opisyal at kawani nito.

Magrerekomenda rin ang task force ng preventive suspension sa sinumang opistal ng PhilHealth upang matiyak na hindi maaantala ang pagsasagawa ng imbestigasyon.

Inobliga rin si Guevarra na magsumite ng findings at rekomendasyon ng task force sa Office of the President sa loob ng 30 araw mula nang mabuo ito.

Kabilang dito ang mungkahing legal actions laban sa mga opisyal at empleyado nitong natuklasang sangkot sa korapsyon at anomalya sa PhilHealth.

Idinahilan naman ni Roque na magbabago ang tinatahak ng imbestigasyon sa usapin kaugnay ng pagkakabuo ng taks force.

“Dati-rati po paulit-ulit na nag-iimbestiga ang Kamara at Senado, wala pong nangyayari kasi wala pong kapangyarihan ng preventive suspension. Ngayon po, ang imbestigasyon na ito, kasama na po ang preventive suspension,” aniya.

Tiniyak din nito sa publiko na huwag mag-alala dahil hindi inuupuan ng Pangulo ang usapin.

“So, mga kababayan, ‘wag po kayong mag-alala, nakinig po ang ating Presidente at umakto,” paliwanag nito.

“Bagama’t wala pa pong mapapatunayan sa lalong mabilis na panahon, meron naman pong preventive suspension na mapangalagaan ang kaban ng PhilHealth,” aniya.

Tiwala pa rin aniya ang pangulo kay PhilHealth chief Ricardo Morales gayunman, hinihintay na lamang nito ang ebidensya na magpapatunay o nagpapasinungaling sa pagkakadawit nito sa korapsyon sa ahensya.

“The President said he will not fire him unless there’s evidence,” paglalahad pa ni Roque.

Kaugnay nito, ibinunyag ni Roque na minsan nang nawalan ng P174 bilyon ang PhilHealth dahil sa maling paggamit ng pondo.

Ayon kay Roque, ang kanyang pahayag ay base sa impormasyong nakuha niya sa kanyang source, sa kasagsagan ng controversial issue sa ahensya, partikular noong Wellmed scam.

Ang nasabing iregularidad ay naganap dahil umano sa talamak ang bogus benefit claims gamit ang mga non-existent kidney treatments

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at BETH CAMIA