Nilinaw ng pinuno ng Quezon City local government’s Task Force Disiplina na si Rannie Ludovica na walang “shoot-to-kill” order para sa mga lumalabag sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa lungsod.

Kamakailan lamang ay binatikos si Ludovica sa pagbabanta sa publiko ng “shoot-to-kill” policy para sa mga pasaway sa MECQ sa isang Facebook post.

“Mula bukas, shoot to kill na ang lalabag sa MECQ,” sinabi ni Ludovica sa isang post niya sa Facebook na ngayon at burado na.

Ayon kay Ludovica ang kanyang post ay “personal” at hindi sumasalamin sa mga polisiya ng Quezon City government.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

Dagdag pa ng pinuno ng Task Force Disiplina na ang kanyang post ay ekspresyon lamang ng pagkadismaya sa pagbabalik ng Mega Manila mula sa general community quarantine patungo sa MECQ.

“Nagmula ang nasabing personal na Facebook post ng inyong lingkod sa aking pagkadismaya sa pagbalik natin mula sa GCQ to MECQ,” aniya.

“Patuloy na tumataas ang bilang ng COVID-19 sa lungsod at buong bansa dahil sa kawalan ng disiplina ng karamihan sa ating mga mamamayan at paglabag nila sa batas,” idinagdag niya.

Hinikayat din ni Ludovica ang publiko na sumunod sa health protocols at quarantine guidelines upang makatulong na mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sinabi ni Mayor Joy Belmonte na kahit na ang post ni Ludovica ay hindi “intended to be taken literally,” ito ay “very wrong and in very poor taste.”

“I see it more as an expression of frustration that five months into the quarantine, the cases still keep growing, partly because people can’t seem to comply with minimum health standards,” sinabi ni Belmonte sa ABS-CBN.

-Noreen Jazul