MAY basbas ng kanilang coach ang paglipat sa ibang UAAP schools ng tatlong pangunahing manlalaro ng multi-titled Nazareth School of National University sa kolehiyo.

Marami ang nagulat at hindi makapaniwala sa ginawang paglipat nina dating Gilas youth team players Carl Tamayo at Gerry Abadiano sa University of the Philippines at ni Kevin Quiambao sa De La Salle.

Inaasahan sanang pundasyon ng Bulldogs squad sa hinaharap ang tatlong manlalaro kung kaya maraming nagtataka kung bakit ito pinakawalan ni NU coach Goldwin Monteverde na siya ring naging coach ng Bullpups squad na pinamunuan ng tatlo sa pagtala ng sweep sa nakaraang UAAP Season 82 juniors basketball tournament.

Naniniwala si UP team manager Agaton Uvero magkakaroon ng mahalagang papel sina Tamayo at Abadiano sa mga darating na seasons sa kampanya ng Fighting Maroons.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

“These two talents will help us secure our basketball future. We hope they will be model student-athletes of UP,” ani Uvero.

Ayon sa ilang mga insiders na hindi na nagpabanggit ng pangalan, may hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Monteverde na siyang ipinalit kay dating Bulldogs coach Jamike Jarin at ng NU team management.

At ito ang dahilan kung kaya nangyari ang paglipat ng tatlong manlalaro.

Kaugnay nito, hindi na rin umano nakapagtataka kung si Monteverde ang susunod na mawawala sa NU.

Ngunit, nang tanungin kung bakit lumipat sila sa UP, magandang edukasyon umano na may kaakibat na maayos na basketball program ang dahilan kung bakit pinili nina Tamayo at Abadiano ang Katipunan university.

“Education is one of my reasons for picking the school and siyempre ‘yung basketball program din (of course the basketball program too),” ani Tamayo na nag enroll sa kursong sports science.

“Hindi lang ito tungkol sa paglalaro. Yung napili ko rin dito is education. Kapag natapos na [ang basketball], ‘di natin masabi ano mangyayari. Ang importante ay maganda ang tinapos namin (This is not just about playing. What I chose too here is education. When basketball is over, we do not know what will happen next. The important thing is that we graduated with high regards),” wika naman ni Abadiano na kumuha ng kursong Tourism.

Para naman kay Quiambao, naniniwala itong angkop ang kanyang laro sa Green Archers at umaasang mas lalo pang yayabong ang kanyang talento dito.

-Marivic Awitan