Nakiki-usap na ngayon sa pamahalaan ang mga healthcare worker upang muling isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.

“Dito sa pag-modify ng ECQ, medyo umangat na ang tao na nagkakaroon ng COVID-19 (coronavirus disease 2019). At mas nakita natin ang pagdami ng spread noong nag-GCQ (general community quarantine) na tayo,” pagdadahilan ni Dr. Maricar Limpin, Vice President ng Philippine College of Physicians, sa panayam ng DZMM Teleradyo.

“Eto ang pinakakinatatakutan namin, baka dumating tayo sa punto na mapagod na ‘yung mga nasa ospital na siyang last line of defense natin. Mawawalan ng serbisyo sa atin mamamayang Pilipino, pakiusap sana namin, ‘wag naman sana i-relax pa ang community quarantine. Kung pwede lang sana, ibalik ang Metro Manila sa ECQ [kahit dalawang linggo],” aniya.

Paglalahad ni Limpin,

National

3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!

Matatandaang nitong Hulyo, naitala ng Pilipinas ang pinakamaraming namamatay sa virus kada araw matapos luwagan pa ng pamahalaan ang quarantine restrictions upang mabuhay ang ekonomiya.

Nitong Hulyo 31, naitala ang 4,063 na panibagong kaso nito kaya umabot na sa 93,354 ang kabuuang nahawaan.

Pagdadahilan ni Limpin, naitala ng Pilipinas ang pinakamababang kaso ng COVID-19 kada araw at kontrolado ang galaw ng mga tao sa panahong isinailalim sa ECQ ang bansa.

“Ang hinihiling sana namin, kahit po siguro panandalian lang bigyan kami ng breathing space. Kasi kami po ang naririyan sa battlefield eh. Kami po ‘yung humaharap at nakakakita ng nangyayari, so sana po pakinggan kami ng gobyerno,” apela ni Limpin.

Nangangamba rin aniya sila na baka dumating ang panahon na tatanggihan na nila ang mga pasyente dahil nasa full capacity na ang ospital dahil ‘bumabagsak’ na ang mga healthcare worker.

“Ang pinakamahirap dyan, marami tayong itataboy na pasyente dahil hindi na talaga kakayanin ng ospital na tumanggap pa ng higit sa kung anong meron tayo,” sabi nito.

Kamakailan, iniutos na ang Department of Health (DoH) ang pagdadagdag ng mga ospital ng COVID-19 bed capacity upang matugunan ang pagdagsa ng mga pasyente.

Gayunman, binigyang-diin ni Limpin na hindi ito madaling gawin dahil sa kakulangan ng mga doktor, nurses, gayundin sa ambulance drivers.

“Hindi lang ‘yung numero lang ng available na beds ang ating titingnan. Titingnan din natin ang ating manggagawang pangkalusugan, kahit gustuhin po namin na i-increase ang beds kung wala naman tao na pwedeng magsilbi at tumingin sa mga Pilipino, paano namin tatanggapin ‘[yung mga pasiyenteng yan? “Nakikita na namin ‘yan, ilang beses na nagpupunta ang mga pasyente sa mga ospital at ilang beses na rin silang nasasabihan na, closed na kami, punung-puno na kami, pumunta na lang kayo sa ibang ospital. At sasabihan kami, pang apat na kayo, pang lima na kayo at wala na kaming mapuntahan pa,’ dagdag pa ni Limpin sa paglalarawan nito kaawa-awang kalagayan ng mga ospital sa bansa.

Kaugnay nito, nanawagan din si Limpin sa publiko na sumunod sa minimun health protocols, katulad ng maayos na pagsusuot ng face mask at pagpapairal sa physical distancing upang hindi na lumaganap pa nang husto ang nasabing sakit.

Nitong Biyernes, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na nananatiling nasa GCQ pa rin ang Metro Manila at 12 pang lugar sa bansa.

-GABRIELA BARON