Nagpaabot ng mensahe si Sen. Rodante Marcoleta sa mga tagasuporta niya, sa kabila ng pagkaaresto sa kaniya sa kasong plunder noong Hulyo 6, at paglitaw naman ng ilang sakit matapos ang pagsusuri sa kaniya.
Sa latest post na mababasa sa Facebook account ng senador noong Sabado, Hulyo 11, sinabi niyang patuloy umano siyang makikiisa para ipanawagan ang matagal nang hinanaing ng taumbayan hinggil sa usapin ng transparency, accountability, katarungan, at demokrasya.
“Ang mga bagay na ito ay kailangan para sa pagkakaroon ng katatagan, kapayapaan, kaayusan, at kasaganaan na inaasam ng ating bansa at ng kanyang mga mamamayan,” anang senador.
Dagdag pa ni Sen. Marcoleta, “Diyan lamang po kayo, dahil sa malaon at madali ay muli tayong magkikita-kita, sa tulong ng ating dakilang Diyos na mapagmahal at mapagmalasakit.”
Matatandaang nasa Philippine National Police General Hospital (PNPGH) si Sen. Marcoleta matapos irekomenda ng mga doktor na ipagpatuloy muna ang obserbasyon sa kaniya.
Batay sa isinagawang laboratory examinations, lumabas na mayroon siyang dyslipidemia, isang kondisyon kung saan mataas ang antas ng "bad cholesterol" sa katawan na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Maki-Balita: Sen. Marcoleta, 'di pa rin pwedeng lumabas ng ospital!
Lumitaw ang kondisyong ito matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad noong Hulyo 6 dahil sa kasong plunder kaugnay sa umano’y tinanggap niyang ₱75-million campaign donation noong 2025 elections.
Kaugnay na Balita: INC, nagtataka bakit kakasuhan si Marcoleta