Ipaiimbestiga ng isang senador ang mga reklamo ng mga magulang at estudyanteng nag-i-enroll sa mga pangunahing pribadong unibersidad sa Metro Manila kaugnay ng sobrang taas ng bayarin na hindi naman akma.
Paliwanag ni Senador Imee Marcos, hindi na dapat malaki ang gastusin sa online classes at modular lesson kaysa face-to-face education bago ang COVID-19 pandemic.
“Hindi na kailangan pang pabayaran ang napakaraming mga miscellaneous fee sa mga pasilidad ng eskwelahan at serbisyo na hindi naman magagamit sa online classes,” giit ni Marcos.
Babala ng senador sa Commission on Higher Education (ChEd) na nakakasa na ang imbestigasyon sa kontrobersya sa ilalim ng Senate Resolution 480 na kanyang ihahain kapag hindi pa rin umaksyon bago magbukas ang mga klase sa huling bahagi ng Agosto.
Una nang idinulog sa tanggapan ng senador ang mga reklamo na may mga nakasingit na misccellaneous fee sa mga matrikulang babayaran ng mga estudyante sa mga eskwelahan para sa paggamit umano ng classroom-based internet, kuryente, laboratoryo, libraries, medical at mga dental clinic.
-Leonel M. Abasola