INIHAYAG ng talent manager ni Liza Soberano na si Ogie Diaz na siya na rin ang manager ni Enrique Gil sa ginanap na OMJ Facebook Live nila ni TV Patrol reporter MJ Felipe nitong Sabado ng gabi.

lizquen

Si Enrique ay mina-manage ng Star Magic katuwang ang mama Barbara Anne Bacay at dahil abala ang ina ng aktor sa mga negosyo nila ay hindi niya matutukan ang anak kaya kinausap niya si Ogie na siya na rin ang mamahala.

Sa kaalaman ng lahat ay wala ng exclusive contract ang lahat ng artista ng ABS-CBN at sinabihan na sila ng management na puwede silang tumanggap ng projects sa labas o hindi produced ng Kapamilya network o Star Cinema.

Payo ni Negi, aprub sa netizens: 'Iwasan maging maluho at makipagsiklaban sa mga kaibigan!'

Inamin ni Ogie na may mga natatanggap ng offers ang LizQuens mula sa ibang network.

“Sa totoo lang maraming nagpapakita ng interest sa LizQuens, hindi lang sa kanila, sa ibang artista rin and that’s very true. Isang pa totoo ‘yan na ganu’n kalakas ang mga artista ng ABS-CBN.

“Hindi ba nakakatuwang maramdaman na nag-aagawan sila sa mga artista ng ABS-CBN kasi naniniwala sila na ang mga artista ng ABS-CBN ay bongga ang career,” kuwento ng talent manager/host/vlogger/businessman.

Sundot naman ni MJ, “inevitable naman talagang maraming matatanggap na offer ang ABS-CBN kasi sinabihan na sila na, ‘now that the network has shutdown, you’re free to work elsewhere. Marami sa kanila ang contract has been suspended so talagang maghahanap sila ng trabaho lalo na ‘yung maraming binubuhay na pamilya, mga pinagkakagastusan kaya hindi mo ‘yan maiiwasan.

“Marami ring artista diyan na marahil hindi gugustuhing magtrabaho to another network and that’s fine, walang problema ro’n. Siguro sila ‘yung maraming kinita, maraming naipon, walang masyadong pinagkakagastusan o kaya may other businesses.

“Pero may mga ibang kailangang lumipat at maghanap ng ibang trabaho kasi kailangan nilang mabuhay kasi may mga umaasa o may binabayarang condo, pinag-aaral na pamangkin o kapamilya.

“Dapat maintindihan iyon ng Kapamilya followers na nagbago ng konti ang landscape, so masakit tanggapin dahil avid fan ka ng ABS-CBN pero that’s the reality.

“Nasa artista na ‘yan kung kakayanin ba nilang mag-trabaho sa ibang network o hihintayin na lang talaga nilang makabalik ang ABS-CBN.”

Marami ring nagtatanong kung ano ang plano ni Ogie sa LizQuens, “hindi kami makasagot pa kasi we’re still grieving and mahirap ding mag-decide ngayon so we will just wait for ABS-CBN management to tell us what to do.

“Kunwari lang, kung sabihin nilang ‘we will let you go o goodluck sa ibang ano (project).’ Kung ganu’n puwede naman tayong mag-entertain pero so far wala pang sinasabi ang ABS-CBN ng ganu’n lalo na si tita Cory (Vidanes – COO ng network), so igagalang natin ‘yun at ang mga artista ay hindi pa rin puwedeng magtrabaho kasi hindi pa napa-flatten ang curve ng Covid-19 so medyo delikado, so hintay-hintay lang kami.”

At dito na inamin ng talent manager na siya na ang may hawak kay Enrique, “ako na ang co-manager ni Enrique Gil with Star Magic, so parang hawak ko na rin ang LizQuen, kaya solid na rin kami nina Mr. M (Johnny Manahan) at Monch (Novales – talent handler) para kung makipag-nego na ako sa commercials, mailalako ko na sa iba.”

-REGGEE BONOAN