Puwedeng barilin ang sinumang trespasser o papasok sa compound ng ABS-CBN para i-takeover ang mga ari-arian at kagamitan ng network.
Ito ang iginiit ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. kaugnay ng nasabing napabalitang plano na isinusulong umano nina Deputy Speaker Rodante Marcoleta at iba pang mga kongresista, na kabilang sa mga miyembro ng House committee on legislative franchises na “pumatay” sa broadcast franchise application ng network.
Pinanindigan ni Locsin, dating kongresista bago naging DFA chief, na sa ilalim ng batas, ang gawaing i-take-over ang ari-arian ng ABS-CBN ay maituturing na “trespassing” at “theft” o pagnanakaw.
Ang plano umanong i-takeover ang ari-arian at mga pasilidad ng network ay lumitaw sa isang Zoom meeting nina Marcoleta, Defensor, Deputy Speaker Crispin Remulla, Tingog Sinirangan Party-list Rep. Yedda Romualdez at Laguna Rep. Dan Fernandez.
Iminumungkahi rin nila ang pagpapataw ng multang P2 trilyon sa ABS-CBN matapos ipasara ito dahil umano sa maraming paglabag. Magreresulta sa pagkawala ng trabaho ng may11,000 empeyado sa Agosto 31 sa pagpapasara.
Ganito ang pahayag ni Locsin: “Technically speaking that’s trespassing and theft and under the law you can shoot the trespassers. I’m almost sure of that.”
Si Locsin ay dating host ng isang public affairs program sa ABS-CBN bago siya nahalal na kongresista ng Makati City.
-Bert de Guzman