Inabisuhan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mga pagamutan na ipagbawal ang pagpasok ng mga taong ang suot ay face masks na may valve, gayundin ang mga taong hindi tama ang pakakasuot ng kanilang mask.

Ayon kay FDA Director General at Health Undersecretary Eric Domingo, hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng mga face mask na may exhalation valves dahil ang proteksiyong ibinibigay nito ay ‘one-way’ lamang o nagbibigay lamang ng proteksiyon sa taong may suot nito.

Hindi rin aniya rehistrado ang mga naturang masks sa FDA para sa medical purposes at sa halip ay ginagamit ang mga ito bilang industrial masks ng mga karpintero upang hindi makalanghap ng alikabok ang mga ito habang nagtatrabaho.

“Ang totoo po kasi karamihan ng mga maskara na may valve hindi po ‘yan naka-register for medical purposes. Hindi sila mga medical and/or surgical mask, kundi ay mga industrial mask ginagamit ng mga karpintero, mga naga-grinding so ang talagang intensyon niyan ay hindi makapasok ‘yung alikabaok sa ihihinga ng tao,” ayon kay Domingo, sa panayam sa radyo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Pero wala siyang proteksyon... halimbawa kung ikaw ay may sakit at suot-suot mo [may valve] maaring lumabas po ‘yung hininga niyo doon sa valve. Kung talagang infection control po talaga ay hindi po para doon,” paliwanag pa ng health official.

Sinabi pa ni Domingo na mas mainam pa ngang gamitin ang mga cloth mask kumpara sa face masks na may valve pagdating sa pagbibigay ng two-way protection, dahil mas napuprotektahan pa nito ang may suot ng masks at maging ang mga tao sa kaniyang paligid.

Nagpaalala rin naman si Domingo sa publiko na dapat ay nakatakip mabuti ng face masks ang kanilang ilong at bibig upang matiyak na sila ay protektado.

“Dapat fully covered ang ilong tsaka bibig, dapat walang butas kasi kung may valve siya kung ikaw ang may suot non mapo-protektahan ka nga pero ang ibang tao eh, kung ikaw ang may sakit, ang ibang tao ang mahahawa sa inyo,” aniya pa.”Ang proteksyon niya one-way pero ang gusto natin ang proteksyon ng mask ay two-way. Kung tayo ay walang sakit hindi tayo mahahawa, kung tayo ay may sakit hindi tayo manghahawa.”

“Mas safe pa ‘yung regular mask na walang valve. Mas acceptable pa po ‘yon sa pang araw-araw na gamit,” dagdag pa nito.

-Mary Ann Santiago