Ni Edwin Rollon

POSIBLENG bawian ng lisensiya ng Games and Amusement Board (GAB) ang walong ‘gaffer’ (mananari) na kabilang sa 49 katao na nadakip sa ilegal na tupada na isinagawang Anti-Illegal Gambling Operation ng NBI-Region 4A kamakailan sa Batangas City.

Mariing kinondena ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang nasabing aktibidad na tahasang paglabag sa ipinatutupad na community quarantine sa ilalim ng Bayanihan Act para maabatan ang COVID-19 pandemic.

MITRA

MITRA

National

Romualdez, nakiramay sa mga biktima ng bagyong Kristine

Iginiit ni Mitra na walang puwang sa ahensiya ang ilegal na gawain kung kaya’t inirekomenda na sa GAB Board na kinabibilangan din nina Commissioner Ed Trinidad at Mar Masanguid ang kagyat na pagbawi sa lisensya ng walong mananari.

“Nakalulungkot pong isipin na sa kabila ng programang isinusulong ng GAB para mailagay sa ayos ang ating mga worker sa industriya ng sabong, heto at marami pa ring ang pinipiling sumama sa mga ilegal na tupada. Hindi po natin papayagan na sirain ng ilan ang industriya,” pahayag ni Mitra.

Matapos italaga ng Pangulong Duterte, kaagad na inaksyunan ni Mitra ang pagpapalawig ng lisensya para sa manggagamot, sentensyador at mananari sa sabong, bilang karagdagang mandato sa pag-regulate ng mga isinasagawang international derbies sa bansa.

Kinilala ang mga lisensyadong ‘gaffers’ na sina  Elmer R. Enrico (BDr05-L18-00411; Edilberto C. Clanor, Jr. (CF-G-3760); Windel William P. Uy (CF-G-6080);  Noel B. Santos (CF-G-4431); Roldan C. Sison (CF-G-3712); Rommel A. Panganiban (CF-G-3734); Jomar T. Marasigan (CF-G-3730) at Roger A. Munoz (CF-G-3718).

Ayon kay Mitra, asahan ang mas mahigpit na pagbabantay ng GAB sa mga lisensyadong personnel sa lahat ng professional sports at mga laro na nasa pangangasiwa ng ahensiya at umaasa siyang magsisilbi itong leksyon sa lahat upang makaiwas na masangkot sa ilegal na gawain.